WebClick Tracer

Jeremy Godoy, Pangasinan biyahe sa PSL championship

MAGKU-KRUS ang Cebu-USJR at Pangasinan sa kampeonato ng Born 2006 Division sa PSL National Finals ngayong Huwebes sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Ito ay matapos malusutan ng dalawang koponan ang kani-kanilang katunggali sa semifinals sa magkahiwalay na mahigpitang labanan.

Ang mga kinatawan ng Queen City of the South ay kumurba ng 71-66 panalo kontra Misamis Oriental.

Pinamunuan ni Jan Vince Oringo ang Cebu sa kanyang naitalang 19 puntos at walong rebounds habang may naiambag naman na 14 si Clark Candia.

Dumaan rin sa butas ng karayom ang Pangasinan, champion sa Luzon leg ng torneo, bago nagawang maitakas ang 76-74 panalo kontra Manila-UST.

Sa pangunguna ni dating Batang Gilas player Jeremy Godoy, nagawang pumuslit ng Pangasinan at masikwat ang huling silya para sa finals.

Bukod sa kampeonato, hangad din ng Cebu at Pangasinan na maging kinatawan ng Pilipinas sa parating na Global Championship Challenge sa Smart Araneta Coliseum na bubuksan sa Hulyo 15.

Binuhat ni Godoy ang kampanya ng Pangasinan kung saan ang kanyang floater ang siyang nagbigay sa kanila ng kalamangan, 75-74, may limang segundo pa sa laban.

Kapos naman ang three-point shot ni Charles Esteban sa huling dalawang segundo habang tuluyang sinelyuhan ni Jairus Armendez ang laban matapos maipasok ang isa sa dalawang free throws. (Abante Sports)

TELETABLOID

Follow Abante News on