WebClick Tracer

Nene todas, 6 pa nawawala sa Cebu flash flood

ISANG 11-anyos na batang babae ang nasawi habang anim pa ang naiulat na nawawala sa pagragasa ng baha sa Carmen, Cebu noong Linggo nang hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, kabilang ang mga biktima sa 17 sakay ng isang Isuzu D-Max pickup na pilit tumawid sa binahang creek sa Barangay Cantumog.

Inakala umano ng driver na kaya niyang tawirin ang baha pero hindi na ito nakaatras nang tangayin sila ng rumaragasang tubig patungo sa ilog.

Tinangay ng agos ang mga sakay kaya agad nagkasa ng search and rescue operation sa lugar.

Ayon sa report, agad nakapunta sa ligtas na lugar ang 10 pasahero samantalang tinangay na ng malakas na agos ng tubig ang pito.

Nakita ang labi ng batang biktima sa ilog sa Barangay Luyang may limang kilometro ang layo sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Samantala, patuloy ang paghahanap ng mga rescue unit sa iba pang biktima kabilang ang 12-anyos na batang babae, 26-anyos na buntis at asawa nito at dalawang 14-anyos na binatilyo. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on