WebClick Tracer

Nagpakilalang anak ng mayor, 1 pa tinabla P84K bill sa bar, kalaboso

DALAWANG katao, isa rito ay nagpakilala umanong anak ng mayor sa Romblon, ang dinakip matapos nilang tanggihan na bayaran ang P84,000 halaga ng nakonsumo nilang alak at pagkain sa isang KTV bar sa Maynila noong Linggo.

Sa ulat, tumanggi ang dalawang suspek na hindi pinangalanan, na bayaran ang kanilang bill na uma­bot sa P84,000 kaya pumalag ang waiter dito hanggang mauwi sila sa pisikalan.

Sa ulat, nagtungo ang grupo ng mga suspek sa Adrian’s Bar bandang alas-8:30 nang gabi para i-celebrate ang nalalapit umano nitong pagsakay sa barko.

Ilang sandali lang at nagdeklara ng open house treat ang lalaki para sa lahat kabilang ang mga empleyado ng bar.

Una umanong sinabi ng lalaki na hanggang P15,000 ang halaga ng pagkain at alak na ililibre niya sa mga taong nasa lugar.

Nang ipaalala ng waiter na umabot na sa P15,000 ang nakonsumo nila, sinabi umano ng suspek na gawin na itong P50,000 dahil may dala naman siyang pambayad.

Nang sumapit ang alas-dos, pina-bill out na ng waiter ang nakonsumong P84,880.00 pero nagalit ang suspek at tumangging magbayad.

Inatake pa nito ang waiter at mga cashier ng bar kaya tinawagan na ito ang mga pulis para ipadakip.

Dinala ang mga suspek sa Sampaloc Police Station para sa imbes­tigasyon. Nahaharap ang mga ito sa kasong estafa at physical injury sa piskalya ng lungsod. (Anthony Sigwa)

TELETABLOID

Follow Abante News on