WebClick Tracer

Number coding suspendido sa Eid’l Adha ngayong Lunes

SUSPENDIDO ang pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa Metro Manila alinsunod sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong Lunes.

Sa isang Facebook advisory noong Sabado, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sususpindihin ang pagpapatupad ng coding scheme kasunod ng holiday declaration ng Eid’l Adha.

Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Hunyo 17 bilang regular holiday.

Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo, ang Proclamation 579 na nakasaad na isa sa dalawang pinakamalaking kapistahan ng Islam ang Eid’l Adha.

Sinabi nito na ang deklarasyon ng regular holiday ay ginawa sa rekomendasyon ng National Commission on Filipinos, batay sa 1445 Hijrah Islamic Lunar Calendar.

Sa ilalim ng number coding scheme, pinagbabawalan ang mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila mula alas-siyete nang umaga hanggang alas-diyes nang umaga at alas-singko nang hapon hanggang alas-otso nang gabi, ayon sa huling numero ng kanilang mga plaka. (Vince Pagaduan)

TELETABLOID

Follow Abante News on