WebClick Tracer

Bogus na abogado dinakma sa pangmamanyak

NALAMBAT ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang lalaki na nagpanggap na abogado at nangmanyak umano ng walong-taong gulang na batang babae sa Antipolo City, Rizal.

Dinakip ng mga operatiba ng Antipolo at Rodriguez, Rizal at Mobile Force Battalion ng Calabarzon ang suspek na si alyas Atty. Mar habang sakay ng motorsiklo bandang ala-1:30 nang tanghali sa kahabaan ng NHA Ave., sa Barangay San Isidro, Antipolo City, Rizal noong Sabado.

Ayon sa report ng Antipolo City Police, nahaharap sa kasong tatlong bilang ng acts of lasciviousness o paglabag sa Republic Act 7610 ang suspek.

Nagsimula umano ang pangmomolestya nito sa bata nang makilala ito ng ina ng biktima matapos humingi ng tulong sa isang programa sa radyo.

Inendorso ng programa ang ina ng biktima sa isang law office kung saan nagpanggap na abogado ang suspek.

Tumanggi naman ang pulisya na idetalye ang pangmomolestiya ng suspek sa batang biktima bilang proteksyon sa huli.

Nabisto na pekeng abogado ang suspek nang madakip ito.

Samantala, sinabi ni PLt Col. Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo Police, na may nakabinbin pang kasong murder ang suspek at walang inirekomendang piyansa. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on