WebClick Tracer

2 high value tulak, laglag

Nalambat ng mga tauhan ng Pasig City Police Station ang dalawang kinikilalang high value individuals makaraan ang ikinasang buy-bust operation, Sabado ng madaling araw sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Kinilala ni PCol. Celerino Sacro, hepe ng Pasig City Police ang mga suspek na sina alyas Chris, 38-anyos, tattoo artist, residente ng Barangay Lower Bicutan, Taguig City at alyas Obot, 29, ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Inaresto ang dalawa ng mga tauhan ng Pasig Police, katuwang ang Pinagbuhatan Police Sub-Station (SS5) at Pasig City Anti-Drug Abuse Office (PCADAO) matapos ang isinagawang buy bust operation bandang alas-2:25 Sabado ng madaling araw sa kahabaan ng V. Baltazar Street, Brgy, Pinagbuhatan, Pasig na nagresulta ng pagkakaaresto sa dalawang tulak.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, isang P500 bill bilang buy-bust money at 10 piraso ng pekeng P1,000.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig custodial facility habang hinihintay ang pagdinig sa kasong paglabag sa RA 9165. (Vick Aquino)

TELETABLOID

Follow Abante News on