WebClick Tracer

Asupre, ashfall ng Mt. Kanlaon sa Palawan fake news – Phivolcs

ITINANGGI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) – Puerto Princesa ang kumakalat sa social media na umabot na sa Palawan ang ibinugang sulfur dioxide at abo ng Mt. Kanlaon sa Negros island.

Ayon kay Nestor Igna, weather observer 3 ng PAG-ASA Puerto Princesa, hindi totoo ang nasabing ulat dahil nakararanas ang buong Palawan ng southwesterly na hangin na sanhi ng pagiging maulap ng kalangitan.

Imposible aniyang matangay ng hangin dito ang abo mula sa bulkan dahil taliwas ito sa direksyon ng hangin mula sa Negros.

Ganon pa man, patuloy aniya ang kanilang pagbabantay sakaling umabot nga sa Palawan ang asupre at ashfall mula sa Mt. Kanlaon.

Samantala, pinayuhan ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residente na malapit sa 4-kilometer danger zone ng nag-aalborotong bulkan na lumayo sa mga ilog at sapa upang masiguro ang kanilang kaligtasan laban sa peligro ng pagragasa ng lahar.

Ayon kay OCD Undersecretary Ariel Nepomuceno, mas pinaigting na nila ang kanilang response operation bunsod ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkan.

Patuloy pa rin aniyang nakaalerto ang kanilang regional counterparts sa Western at Central Visayas sa posibleng paglala ng situwasyon. (Romy Luzares/Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on