WebClick Tracer

Babae, wanted sa pekeng titulo ng lupa

PINAGHAHANAP ngayon ng awtoridad ang isang babae na nagbulsa ng halos kalahating milyong piso mula sa kanyang isinanlang titulo ng lupa subalit naglaho bigla pagkaraang natanggap ang nasabing pera at natuklasang peke pala ang isinanla sa Noveleta, Cavite.

Ang suspek na si alyas Mari, ng San Juan II, Noveleta Cavite ay nahaharap ngayon sa kasong Estafa through Falsification of documents dahil sa reklamo ni alyas John.

Ayon kay John, noong February 15, 2024 isinanla ni Mari ang kanyang lupa na may sukat na 282 square meters na matatagpuan sa Brgy II, San Juan Noveleta Cavite sa halagang P400,000.00.

Dahil magkakilala at magkaibigan, pumayag si John kung saan nagtungo pa ang dalawa sa isang Law office kung saan base sa kanilang kasunduan, ang P400,000.00 ay magiging P760,000.00 bilang tubo pagsapit ng anim na buwan. Ipinakita pa rito ang Deed of Real Estate Mortgage bilang patunay.

Pagkatapos sa Law office, sa mismong bahay na ni John inabot ang P400,000.00 kay Mari.

Gayunman, matapos ang transaksiyon ay hindi na makontak ni John si Mari.

Ilang beses na sinulatan ng demand letter ni John si Mari subalit bumabalik lang sa kanya ang sulat dahil walang tumatanggap sa nasabing address. Pinuntahan din ni John ang bahay ni Mari at dito na niya nalaman na umalis na ito sa kanilang bahay sa Brgy San Juan, Noveleta, Cavite.

Noong March 4, 2024, personal na nagtungo si John sa Registry of Deeds sa Cavite City upang beripikahin ang authenticity ng titulo ng lupa subalit nanlumo ito nang sabihin na peke ang hawak nito. (Gene Adsuara)

TELETABLOID

Follow Abante News on