WebClick Tracer

Goodbye putok, hello alipunga na ba?

Habang isinusulat natin ito, hindi pa opisyal na idinideklara ng PAGASA na nag-alsa-balutan na ang tag-init sa Pilipinas, pero nagparamdam na sa malaking bahagi ng bansa ang pagdating ng wet na wet na tag-ulan sa pamamagitan ni bagyong Aghon.

Parang palaka nga itong si Aghon na ilang beses tumalon-talon para mag-landfall na umabot yata ng walo mula sa Visayas region hanggang Luzon. Bukod sa malakas ang dala niyang ulan, may yabang din itong si Aghon dahil mahangin.

Dahil ilang araw na nag-uulan sa maraming lugar, kabilang sa Metro Manila, sabi ng ilan nating ayudanatics na kurimaw, baka nalungkot ang mga power producer o taga-supply ng kuryente dahil tiyak daw na mababawas ang kita nila.

Siyempre nga naman, dahil umulan at may hangin, malamang na maraming bahay ang hindi na muna gumamit o binawasan ang gamit ng aircon. At kung wala namang aircon pero parang may tindahan ng electric fan ang bahay dahil sa dami, tiyak na binawasan din nila ang nakabukas.

Ang hiling nga ng marami nating kurimaw, suriing mabuti ng Energy Regulatory Commission ang singil sa kuryente nitong nakaraang buwan dahil marami ang nakaranas ng “bill shock” o sobrang taas ng singil.

Ang ilan nating kakilala at sa mga nakita nating mga post sa social media na sumabak sa “bill reveal,” umaabot ng P4,000 hanggang P6,000 ang itinaas sa singil sa kuryente.

Mayroong isang umabot sa P16,000 ang kanilang konsumo sa kuryente kumpara sa P11,000 na nagdaang buwan. May isa namang P8,000 lang binayarang kuryente sa nagdaang buwan pero sa bill ng Mayo, umabot sa P12,000 ang binayaran niya.

Ang palusot, este paliwanag ng mga nasa power industry, numipis daw kasi ang supply sa kuryente noong Abril dahil may mga “bumigay” o nagkaaberyang planta sa dami ng gumagamit ng kuryente kaya nagmahal ang presyo nito.

Kaya lang, hindi maalis ng mga dudero nating mga kurimaw na mapatanong kung paano raw kaya malalaman kung talagang bumigay at hindi “drama” lang pagpalya ng planta para magkaroon ng artipisyal na pagnipis ng kuryente na dahilan para magmahal ang singil?

Pero dahil ilang araw na ngang nag-uulan, hindi malayong ilang kembot na lang eh opisyal nang idedeklara ng PAGASA na tapos na ang kalbaryo ng mga rider sa init na isa sa pinagmumulan ng putok. Kaya lang, ang ulan at baha naman ang kakaharapin nila sa kalye na puwede naman silang magkaalipunga.

At kung dati eh nagdedeklara ang DepEd at LGU’s nang walang pasok sa mga eskuwelahan dahil sa init sa silid-aralan, ngayon naman eh nagsimula na rin ang deklarasyon ng walang pasok dahil sa ulan at baha.

Malamang na malungkot din ang mga nagpaplano o naka-book nang magbakasyon o mag-beach sa June dahil ngayon pa lang ang simula ng bakasyon ng mga estudyante, pero mukhang makakasabay nila ang tag-ulan.

Dahil La Niña naman ang binabantayan ngayong tag-ulan, posibleng maging malalakas ang ulan. Kaya dapat mag-ingat maging handa ang mga utaw. Kung noon na wala pang bagyo pero nalulubog na sa baha ang mga kalsada gaya sa Metro Manila kapag may “thunder storm,” ano pa kaya ang aasahan kapag may malalakas na bagyo? Kailangan pa bang i-memorized ang sagot d’yan? Nganga. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”.

TELETABLOID

Follow Abante News on