WebClick Tracer

Walang independence ang Senado

Ang kaunting tiwala ng taumbayan na ang Senado ay independent at ‘di nadidiktahan ng Malacañang ay gumuho sa pagkakatanggal ni Migz Zubiri bilang Senate President.

Sinabi ni Zubiri na ‘di nagustuhan ng “powers that be” ang kanyang ‘di pagsunod sa mga gusto nito.

Sino ang tinutukoy ni Migz Zubiri na powers that be?

Ang Senate President (SP) ay pangatlong pinakamataas na opisyal sa bansa mula sa Pangulo at Bise Presidente.

Kilala ang Senado bilang “republic of 24 members.” Ibig sabihin ay independent (kuno) ang bawat isa sa mga 24 senators at ‘di puwedeng diktahan ng Palasyo.

Pero bakit natanggal si Zubiri at ang nagpatanggal sa kanya diumano ay Malacañang?

Ang haka-haka ay yung ‘di sinuportahan ni Zubiri bilang Senate President ang “people’s initiative” na magbibigay sana ng kapangyarihan sa taumbayan na itatag ang Constitutional Convention o Constituent Assembly upang baguhin ang Saligang Batas.

Ang Mababang Kapulungan (House of Representatives) ang may pakana ng people’s initiative dahil diumano sa kagustuhan ng Malacañang.

Ang pangalawang maaaring ikinagalit ng Malacañang ay pinayagan ni Zubiri si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pag-imbestiga ng dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nag-ugnay kay BBM at aktres na si Maricel Soriano sa paggamit ng bawal na gamot.

Maraming nagsasabi na pawang kasinungalingan ang sinasabi ni Jonathan Morales, dating PDEA agent, tungkol sa Pangulo at Maricel Soriano.

Ginawang witch hunt o pag-imbestiga ng mga inosenteng tao ang hearing ng komite ni Bato.

Dapat sana ay pinatigil na ni Zubiri ang walang katuturang imbestigasyon ni Bato nang sinisira na ang pangalan ng Pangulo, pero ‘di niya ito ginawa.

Si Bato, na tao-tauhan ng dating pangulong Digong, ay sumusunod lang sa kanyang amo upang sirain ang reputasyon ni BBM.

Ang nakakatawa pa nito ay noong magbotohan na upang tanggalin si Zubiri bilang SP at palitan ni Chiz Escudero, isa sa mga bumoto na tanggalin si Migz ay si Bato.

Ang katwiran ni Bato ay sumama lang siya sa karamihan na tanggalin si Migz kahit na siya ang naging dahilan kung bakit nagalit si BBM sa dating Senate President.

Walang ni katiting na prinsipyo itong si Bato. Kung sabagay, ano naman ang maaasahan mo sa isang tao na simple ang pag-iisip.

TELETABLOID

Follow Abante News on