WebClick Tracer

Nang lumuha ang Bato

Kakaiba palang pakiramdam ang makakita ka ng umiiyak, pero imbes na maawa ka, matatawa ka–until maisip mo na ganito na ang lagay ng politika sa bansa natin. Kaya halos maiyak ka ulit.

Nabalitaan din siguro ninyo: Pinalitan na si Miguel Zubiri bilang Senate President. Sabi niya, at hindi naman nga siguro malayo sa katotohanan: Payback daw ito dahil pinaimbestigahan niya ang mga diumanong pagkakasangkot ni Bongbong Marcos sa ilegal na droga.

Kaya ayun na nga. Kung nasa Senado ka’t pinaimbestigahan mo ang Pangulo, ano pa ba ang aasahan mo.

At matapos itong sabihin nii Zubiri sa kanyang farewell presscon bilang Senate President, pinasalamatan pa niya si Bato dela Rosa, dahil naging kasangga raw niya ito hanggang dulo. Iyak naman si Bato.

Kinabukasan, nang ipinakikilala na si Chiz Escudero bilang bagong Senate President, lumabas din ang listahan ng mga senador na bumoto para tanggalin si Zubiri. Anim na nanatiling kakampi niya, dalawang nag-abstain, at labinlimang nagpatalsik sa kanya. Kasama sa listahang ito… si Bato dela Rosa. Lol.

Sabi ng isang tropa: “Baka kaya naiiyak si Bato, kasi guilty.” Abot-langit kasi ang pasasalamat sa kanya ni Zubiri, yun pala sinaksak na niya sa likod.

Baka. Nang tanungin si Bato kung bakit siya bumotong patalsikin si Zubiri, walang mahitang liwanag sa sagot nito. Basically, ang sinasabi niya, “Wala na namang saysay e. So nag-yes na lang ako sa pagpapatalsik sa kanya.”

Ha? Kung wala palang saysay, bakit hindi ka nag-no? Akala ko ba kaibigan mo? O ganito na lang ba talaga ang pagkakaibigan sa politikang Pilipino?

‘Di ko na alam kung paano magre-react. Hindi rin naman kasi unang beses umiyak sa harap ng kamera itong pa-machong si Bato. Akala ko pulis ito, artista pala; ang husay sa showbiz. Siguro ang iniisip niya, kapag meron kang malaki at magarbong emotional display, ibig sabihin n’un, siguradong iisipin ng nanonood, totoo ang nararamdaman mo.

Pero gaya nang sa totoong buhay, minsan ginagamit ang luha hindi bilang signos ng katotohanan, pero bilang pagtatangkang manipulahin tayo. Ang hilig kasi natin sa drama e.

Ganito sa Senado, at ganito na rin ang nakasanayan nating uri ng politika. Ang nagpapatakbo, drama, hindi polisiya; nagiging interesante sila hindi dahil nakatutok sa interes ng karaniwang Pilipino, pero dahil sa telenovela at back-staban na nangyayari sa pagitan ng mga politiko.

Mababago pa naman siguro natin ito, ‘no?

TELETABLOID

Follow Abante News on