WebClick Tracer

Davao Oriental sapol ng landslide

Tinamaan ng landslide ang ilang lugar sa Mati City, Davao Oriental noong Lunes ng hapon.

Ito ay dahil sa naranasang mga pag-ulan sa lugar dulot ng localized thunderstorms.

Nakunan ng video ng ilang motorista ang pagguho ng lupa at bato sa bahagi ng Brgy. Badas.

Makikita ang pagguho ng lupa at mga puno patungo sa national highway.

Ayon sa nakakuha ng video, galing sila sa beach resort sa Mati at pauwi na sana sa kanilang lugar sa Tagum City nang mangyari ang landslide.

Pasalamat naman ang mga ito at wala sila sa saktong lugar nang gumuho ang lupa na maaring nakadisgrasya sa kanila.

Sa video naman ng isa pang netizen, kita ang pagdausdos ng lupa at mga bato mula sa bundok.

Pansamantalang hindi madaanan ang kalsada pero agad ding nagsagawa ng clearing operations ang mga awtoridad.

Makalipas ang ilang oras ay binuksan muli ang kalsada pero inabisuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagdaan dahil sa posibilidad ng muling pag-landslide.

Noong Pebrero, nangyari rin ang landslide sa lugar dahil sa mga pag-ulan na dulot ng shear line at low pressure area. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on