WebClick Tracer

2 tinedyer, kasabwat nanloob sa bangko

NATIMBOG ng mga awtoridad ang tatlong nanloob sa isang bangko at ilan pang katabing establisyemento nito sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.

Ayon sa Solano police, kabilang sa mga suspek ang dalawang menor de edad.

Batay sa imbestigasyon, natuklasan ng mga empleyado ng bangko (GM Bank of Luzon, Inc. Solano branch) ang nakawan nitong Martes ng umaga nang sila ay pumasok sa kanilang trabaho.

Nakapasok ang mga suspek sa pamamagitan ng pagdaan sa likurang bahagi ng bangko kung saan sinira ng mga ito ang grills ng bintana sa CR.

Nang makapasok, pinatay ng mga salarin ang main switch saka naghalungkat.

Nakuha ng mga ito sa isang drawer ang perang nagkakahalagang P12,000.00 habang sa isa pang drawer ay ang caliber 9mm na baril ng guwardiya.

Puwersahan din nilang sinira ang vault at nakuha ang perang nagkakahalagang nasa P100,000. 00.

Ayon sa pulisya, tuwing araw lang nagdu-duty ang security guard kaya posibleng tiniyempuhan ng mga salarin na pasukin ang bangko noong Lunes ng gabi.

Pero sa follow up operation, natukoy ang tatlong lalaking responsable sa pagnanakaw kabilang dito ang dalawang menor de edad matapos silang makuhanan ng CCTV ng katabing establisyemento na una pala nilang pinasok.

Doon nakakuha ang mga suspek ng mga tools na ginamit sa panloloob sa bangko kabilang ang steel cutter, grinder, flier, sliding handle, center hook, pipe, tire changer at martilyo.

Narekober din sa mga suspek ang mga ninakaw na pera at baril. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on