WebClick Tracer

Galamay ng Canadian courier ng 1.4 toneladang shabu tagilid

MASUSI ngayong pinaghahanap ang iba pang dayuhan na sangkot sa 1.4 toneladang shabu drug haul sa Alitagtag, Batangas kamakailan.

Ayon kay Department Of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., bukod kay Canadian National Thomas Gordon Quinn alyas James Toby Martin, na naaresto sa Tagaytay nitong Huwebes ay mayroon pa umano silang ilang dayuhang pinaghahanap na mayroong kinalaman sa pagpasok ng nasabing iligal na droga sa bansa noong Abril 15.

Hindi naman pinalawig pa ni Abalos ang kanyang sinabi kung ilang dayuhan pa ang kanilang target ng manhunt dahil patuloy pa ang ginagawang follow up operation ng pulisya laban sa mga ito.

Dagdag pa nito, ang naarestong si Quinn ay may malaking partisipasyon sa pagdadala ng nasabing dami ng shabu sa bansa na nagkakahalaga ng P9.6 bilyon.

Samantala tiwala pa ring sinabi ng kalihim na walang dapat ikaalarma sa kabila ng pagpasok ng mga dayuhang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa dahil hindi tumitigil ang kapulisan sa paghahanap at paghuli sa kanila.

(Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on