WebClick Tracer

Estudyante dedo sa septic tank, 3 kaklase sugatan

NASAWI ang isang batang babaeng estudyante habang tatlo pang kaklase nito ang nasugatan nang ang mga ito ay mahulog sa septic tank sa loob ng compound ng kanilang eskwelahan sa Alfonso, Cavite nitong Lunes ng tanghali.

Ayon sa report ng Alfonso police, nangyari ang insidente dakong alas-12:40 ng tanghali habang ang 4 na magkakaklaseng batang babae ay kumakain ng tanghalian sa isang concrete bench na nasa ibabaw ng septic tank sa Sinaliw Malaki Elementary School, sa Brgy. Sinaliw Malaki.

Bigla umanong bumigay ang semento sa ibabaw ng septic tank dahilan naman para mahulog sa hukay ang mga biktima maging ang concrete bench na inuupuan nila.

Agad na sumaklolo ang rescue team ng Alfonso MDRRMO, agad iniahon ang apat at isinugod sa Poblete Hospital subalit idineklara nang dead on arrival ang 12-anyos na grade 5 student na si Criszel.

Ginagamot pa sa ospital ang tatlo na ngtamo ng mga minor injuries sanhi ng pagkahulog at madaganan ng mga nalaglag na semento.

Ayon kay PMAJ Raymond T Balbuena, Chief of Police ng Alfonso, abandonado na ang septic tank at hindi na ginagamit ng eskwelahan.

Tuyo na rin ang hukay na tinatayang nasa 7 feet ang lalim.

Hindi pa matiyak kung magsasampa ng reklamo ang mga kaanak ng biktima.

Wala pa ring opisyal na pahayag ang paaralan. (Ronilo Dagos/Gene Adsuara)

TELETABLOID

Follow Abante News on