WebClick Tracer

5 pulis na natakasan ng 5 preso, sinibak

SINIBAK sa puwesto ang limang tauhan ng Parang Municipal Police Station (MPS) sa Maguindanao del Norte matapos na matakasan ng limang preso ang kanilang detention cell nitong Sabado ng madaling araw.

Base sa ulat na ipinadala ni Lt. Col. Erwin Tabora, hepe ng Parang MPS sa Camp Crame, nilagare umano ng mga preso ang center lock ng kanilang detention cell upang makatakas.

Hindi umano napansin ng mga naka-duty na pulis ang paglagari at pagtakas ng mga preso dahil itinaon ito sa kasagsagan ng malakas na ulan ng mga oras na iyon.

Samantala apat sa mga tumakas na preso ang naibalik na sa kulungan sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya habang isa pa ang patuloy na pinaghahanap na may kasong murder.

Ang mga sinibak namang tauhan ng Parang MPS ay kasalukuyang nasa holding unit ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office (PPO).

Si Tabora ay kakalipat lang bilang bagong hepe ng Parang MPS kung saan pinalitan nito si dating chief of police Lt. Col. Christopher Cabugwang.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa kaso. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on