WebClick Tracer

Senior dedbol, naputulan ng paa sa tricycle

Todas at putol pa ang paa ng isang senior citizen na nagmamaneho ng tricycle matapos suwagin ng motorsiklo sa national highway ng Barangay Talang, San Carlos City, Pangasinan noong Huwebes.

Kinilala ng San Carlos City Police Station (SCCPS) ang namatay na si Bernabe de Guzman, 76, habang sugatan naman ang kanyang misis na si Melissa, parehong taga nasabing siyudad.

Sa report, ayon sa SCCPS, bumili umano ng pandesal ang mag-asawang De Guzman sa isang bakery sa Barangay Talang at papauwi na nang biglang dumating ang isang motorsiklo at banggain ang tricycle.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumama ang ulo at katawan ni Bernabe sanhi ng kanyang pagkamatay habang ang kanyang misis ay nagpapagaling pa dahil sa tinamong mga sugat.

Ayon sa pulisya, sugatan din ang rider na nakabangga sa mag-asawa.

“Malakas talaga ang bangga kung hindi malakas bakit naputol yung paa ng asawa ko,” ani Melissa.

Sinabi ng otoridad na nakahanda naman daw ang mga anak ng mag-asawa na hindi na magsampa pa ng reklamo kung tutulungan sila ng pamilya ng rider. (Allan Bergonia)

TELETABLOID

Follow Abante News on