WebClick Tracer

Caloy Yulo pinitas 2nd gold sa Asian Championships

INANGKIN ni 2020+1 Tokyo Olympian Carlos Edriel “Caloy” Yulo ang ikalawang gintong medalya sa pagwawagi sa una sa tatlong sinabakan nitong finals, Sabado ng hapon, na floor exercise sa ginaganap na 17th Junior & 11th Senior Men Artistic Gymnastics Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan.

Pinakaunang nag-perform ang 23-anyos na three-time world champion na si Yulo kung saan itinala nito ang 14.933 puntos mula sa pinagsamang iskor na 6.500 sa difficulty at 8.333 sa execution na hindi nalampasan ng pito nitong karibal kabilang ang kababayan na si John Ivan Cruz tungo sa pagsungkit sa kanyang ikalawang ginto sa torneo.

Si Cruz ay nasa pangalawang puwesto bago naungusan ng Chinese na si Yanzhi Yang at tuluyang nahulog sa pang-apat na puwesto matapos ang pinakahuling nagpamalas na si Marimi Milad ng host Uzbekistan.

Nagtala si Milad ng 14.600 puntos habang si Yang ay may 14.200 upang agawin ang tansong medalya kay Cruz na nagtala ng 13.96 puntos.

Nagawa muna ni Yulo na manguna sa floor exercise habang si Cruz ay pangatlo sa kuwalipikasyon.

Nabigo naman itong makamit ang asam na ikatlong medalya sa pagsabak sa finals ng still rings matapos na mahulog sa pang-anim na puwesto sa itnalang 13.533 puntos na dinomina ng mga Chinese. Una itong nasa pang-apat sa kuwalipikasyon.

Aasa pa si Yulo na makapagwagi ng gintong medalya sa pabortio nitong vault na kung saan ang kakampi nito na si Juancho Miguel Besana ay nasa pangatlong puwesto.

Tumapos din si Yulo na pang-apat sa parallel bars at pangpito sa horizontal bars para pumasok sa final round at maghangad pa ng dagdag na ginto para sa Pilipinas.

Ang ginto ay una ni Yulo sa paborito nitong floor exercise matapos ang sunod-sunod na kabiguan sa malalaking mga torneo at kung saan huli nitong napanalunan noong 2019 Manila SEA Games.

Una nang nagawang putulin ni Yulo ang mga kabiguan sa pagtatala sa pinakamataas na 84.931 puntos sa pitong apparatus laban sa mga karibal nito sa rehiyon ng Asya para magwagi sa individual all-around nitong Biyernes.

Sasabak pa si Yulo sa finals ng pommel horse, vault, parallel bars at horizontal bar ngayong Linggo ng hapon (PH time).

Samantala’y nagawa naman makapagkuwalipika sa final round ng nakababata nitong kapatid na si Karl Eldrew sa vault at floor exercise sa ginaganap na junior category. (Lito Oredo)

TELETABLOID

Follow Abante News on