WebClick Tracer

Bangladeshi itinumba ng tandem

TODAS ang isang Bangladeshi nang ratratin ito ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem sa San Pascual, Batangas noong Lunes nang gabi.

Kinilala ang biktima na si Nowyed Azim, 35-anyos at residente sa Mahogany Place, Kayumanggi, Lipa City sa Batangas.

Ayon sa report ng San Pascual police, nangyari ang pamamaril sa national highway sa Barangay San Antonio ng nasabing bayan habang sakay ang biktima sa kanyang electric bike papuntang Bauan bandang alas-sais nang gabi.

Sinundan ito ng mga suspek na magkaangkas sa Sniper 150 motorcycle, bumunot ng maikling kalibre ng baril ang backrider at pinutok ito sa biktima nang tumapat sila rito.

Pagkatapos nito ay humarurot na ang mga suspek na kapwa nakasuot ng full face na helmet patungo sa direksiyon ng Batangas City.

Isinugod sa San Antonio Lifecare Hospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay.

Kumikilos na ang pulisya para malutas ang krimen. (Ronilo ­Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on