WebClick Tracer

PDEA-9 natakasan ng 7 preso

PITONG preso ang nakatakas sa kulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 9 sa Zamboanga City kahapon nang madaling-araw.

Base sa ulat, nadakip ang pitong preso sa pinakamalaking drug haul sa Zamboanga Peninsula noong Mayo 3, 2024.

Kinilala ang mga nakapugang person deprive of liberty (PDL) na sina Wilson Indanan Sahiban, Junjimar Hajili Aiyob, kapwa 29-anyos; Jimmy Angeles Sahibol, 30; Kerwin Mohammad Abdilla, 41; Albadir Mala Ajijul, 28; Muhajiran Romeo Jumlah, 27; at Amil Khan Mahadali Abubasar, 26-anyos.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang alas-2:45 nang madaling-araw nang matuklasan ng naka-duty na jail officer ng PDEA detention facility sa Barangay Upper Calarian ng lungsod na nawawala sa kulungan ang pitong preso.

Nang inspeksyunin ang kulungan, nakita ang maliit na butas sa kisame na pinaniniwalaang dinaanan ng mga tumakas na preso.

Matatandaang nadakip ang mga ito sa isang anti-illegal drug operation sa Barangay Mampang, Zamboanga City noong Mayo 3, 2024 kung saan nakumpiska sa kanila ang 21 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P145.5 milyon, ang itinuturing na pinakamalaking huli ng ilegal na droga sa Zamboanga Peninsula.

Samantala, bumuo na ang PDEA Region 9 at Zamboanga City Police Office (ZCPO) ng tracking team para ibalik sa kulungan ng mga nakatakas na preso. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on