WebClick Tracer

Shabu buking sa zipper ng pantalon

BUMAGSAK sa selda ang isang 31-anyos na babae matapos na mabuking ang isiniksik niyang shabu sa zipper ng kanyang pantalon habang bibisitahin ang nakakulong niyang live-in partner sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City noong Sabado.

Ayon kay Jail Inspector JM Sabeniano, warden ng Metro Manila District Jail Annex 2, natunugan ng kanilang security screener na may tangkang magpasok ng ilegal na droga ang suspek nang may nakapa itong umbok sa zipper ng pantalon nito.

Dahil dito, ginunting ng lady jail guard ang pantalon ng suspek at natuklasan dito ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng mahigit sa 28 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit sa P125,000.

Nakakulong ang partner ng suspek sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa kasong ilegal na droga;

“Sinamantala nila ang bugso ng dalaw ngayong Semana Santa. Akala nila ay magiging magaan ang ginagawa nating protocol sa mga pumapasok na bisita, pero sa ganitong okasyon, mas mahigpit ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnel natin,” pahayag ni Sabeniano.

“Dahil sa pagiging alerto ng ating searcher, napansin at nakapa ‘yung kakaibang nakaumbok sa bandang zipper area ng pantalon. Kaduda-duda rin ang ginawang pagtahi rito kaya noong binuksan ito, may mga sachet tayong natagpuan,” dagdag ni Sabeniano.

Nahaharap sa kasong paglabag sa kasong illegal possession of dangerous drugs ang suspek na nakakulong na.

Samantala, sinabi ng suspek na inutusan lang siyang ipasok ang shabu sa pasilidad pero hindi niya tinukoy kung sino ang nag-utos sa kanya.(Betchai Julian)

TELETABLOID

Follow Abante News on