WebClick Tracer

Online seller tsinugi sa botika

BUMULAGTA ang isang babaeng online seller makaraan itong pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang lalaki habang nakatayo ito malapit sa drug store sa Quimpo Boulevard, Davao City noong Linggo nang Linggo.

Agad nasawi ang biktima na kinilalang si Cinderella Rosales, may asawa, 22 anyos at residente sa Purok Maharlika, Cuambugan, Tagum City.

Ayon sa report, umalis muna at isinama ng kanyang mister na si Noel ang kanilang isang-taong-gulang na anak habang bumibili ng gamot ang biktima sa drug store bandang alas 7:35 nang gabi.

Pagbalik ng mister, nakita nitong pinagkakaguluhan na ang kanyang asawa na wala ng buhay at nakahandusay sa lupa.

Ayon sa mga testigo, dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo ang dumating sa lugar, bumaba ang backrider, nilapitan ang biktima at saka ito pinagsasaksak.

Mabilis ding tumakas ang mga salarin matapos ang krimen,

Personal na galit ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa insidente at ipinapalagay na may kinalaman ito sa kanyang trabaho bilang online seller.

Isinantabi rin ng pulisya ang anggulong holdup dahil walang kinuha ang mga salarin sa mga gamit ng biktima

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on