WebClick Tracer

Habaan pa pasensiya sa P100 wage increase

Pumasa na sa pinal at ikatlong pagbasa sa Senado ang panukalang naglalayong dagdagan ng P100 ang suweldo ng mga uring manggagawa sa pribadong sektor sa bansa.

Para sa mga nagsampa at sumuporta sa panukalang ito mula sa unang prosesong pinagdaanan hanggang sa maipasa sa plenaryo, isa itong malinaw na accomplishment sa pagganap ng tungkulin ng mag-isip para sa ikabubuti ng marami.
Pero sa panig ng mga magiging benipisyaryo ng hakbang na ito, mas dapat pa siguro nilang dagdagan ang kanilang pasensiya dahil sa katotohanan ay medyo malayo pa nilang malasahan ang P100 daily wage increase.

Ito ay dahil sa umiiral na sistema ng paggawa ng batas sa bansa.

Sa sistema kasi, dapat na magkaroon ng kanya-kanyang bersyion ng panukala ang Kamara De Representantes at Senado at dapat na parehong maipasa ang mga ito sa pinal na pagbasa bago umusad sa susunod na yugto.

Ang susunod na yugto ay ang pagtatag ng tinatawag na bicameral panel na bubuuin ng mga piling mambabatas sa dalawang kapulungan na karaniwan naman ay kabilang din sa mga nagtrabaho sa mga panukalang ito habang nasa magkabilang hapag.
Ang bicameral panel ay itinatatag upang pag-isahin at pagtugmain ang mga magkakaibang nilalaman ng mga bersiyon ng Senado at ng Kamara.

Kapag nagkasundo na, babalik sa kani-kanilang plenaryo ang pinal na bersiyon ng bicameral panel upang ratipikahan sa pamamagitan ng botohan.

Saka pa lamang ito puwedeng maiakyat sa Palasyo para palagdaan sa nakaupong Pangulo.

Pero hindi pa rin sigurado na ang lahat ng nilalaman ng mga ratipikadong panukala ay aaprubahan ng Presidente dahil mayroon siyang kapangyarihan na isantabi ang mga probisyon na ayaw niya.

Ang medyo magandang lang sa proseso, kapag hindi ito nalagdaan sa itinakdang panahon, awtomatiko pa ring magiging batas ang panukalang ratipikado na dahil mayroon na tayong tinatawag ngayon na “lapse into law.”

Sa mga panukalang isinusulong sa Senado at Kamara, tanging ang pambansang gastusin ang mabilis na naipapasa dahil dito nakasalalay ang gastusin ng gobyerno sa susunod na buong taon.

Sa ibang panukala, walang partikular na deadline kaya hindi obligado ang mga mambabatas na hatawin ang pagtatrabaho sa mga ito.

At kung babalikan ang P100 arawang umento sa suweldo ng mga mangagawa sa pribadong sektor, ang Kamara ay mag-uumpisa pa lamang sa pagtalakay nito sa pinakamababang antas.
Kaya kapit pa tayo.

TELETABLOID

Follow Abante News on