WebClick Tracer

Kumukupas

Wala naman yatang hindi. Kung mayroon ka mang kulay inaakala na hindi kumukupas, maaaring matagal kasi ang pakupas. Maaaring hindi na abutan ng maikli nating buhay. Maaaring ilang henerasyon bago mapansin ang pagkupas ng kulay ng mga bagay-bagay.

Kaya gusto natin ang ‘walang kupas’ o iyong hindi kaagad kumukupas. Maaaring biniling damit na kahit ilang taon na, nananatili ang tingkad. Puwedeng pintura ng bahay o sasakyan. Pambihira ang mabagal na pagkupas ng pintura ng bahay o gusali. Lalo’t bantad sa araw, ulan, hangin. Lalo kung malapit sa dalampasigan.

Ganoon din sa mga sasakyan. Kahit gaano ka kaingat, sa paglipas ng mga taon, kukupas ang dating kinang. Kumukupas ang mga gamit natin sa loob at labas ng bahay. Iyong dating makulay, mapapansin ng iba ang pagpusyaw (kapag araw-araw nating nakikita, parang hindi nagbabago ang kulay, hindi ba?).

Pumupusyaw din ang ating balat. Kasabay ng hindi maiiwasang pagtanda. Maaari lamang pabagalin ang pagkupas sa pamamagitan ng malusog na pamumuhay, maaaring gamutin o retokihin ang kumukulubot na balat, pero hindi maiiwasang tumanda, kumupas.

Kaya naman masayang masabihan na ‘walang kupas’ hindi man kulay ang ibig sabihin nito. Halimbawa, kahit nagkakaedad na, wala pa ring kupas sa pagsasayaw. Naroon pa rin ang dating gilas. Ganoon din sa pag-awit, abot na abot pa rin ang tono.

Walang kupas ang galing, walang kupas ang talino, walang kupas sa paglipas ng panahon ang magandang katangian. Pero bakit ba kasi natin kinatatakutan ang pagkupas sa paglipas ng panahon?

Kinatatakutan ba natin ang pagtanda? Ang pagbabago ng hitsura? Katulad ko ngayon, magsisingkuwenta anyos pa lang, pero kupas na ang buhok. Luyloy na ang balat, makakalimutin madalas. May mga palatandaan na ng pangkaraniwang sakit ng nagkakaedad. Inaamin kong kumupas na ang kabataan sa akin. Na, sa simula, para bang kay hirap tanggapin.

Pero dahil hindi naman talaga mapipigilan ang paglipas ng panahon, at wala naman akong sapat na pera para pigilan ang pagkupas ng hitsura at kakayahan, madali kong natanggap na kumupas na ako.

Kupas na ako sa mga kaalamang napaglumaan; sa trabaho kong dating usong-uso. Kupas na rin ang maraming talento at diskarte na napalitan na ng mas makabago at napapanahon.

Sa dagsa ng kaalaman at impormasyon gamit ang makabagong teknolohiya, hindi na ako makasunod. Wala na akong kakayahang hinihingi ng kasalukuyang industriya. Luma na ako. At nakapagbibigay sa akin ng kapayapaan at lugod ang pagtanggap na kupas na ang dati kong makulay na buhay.

Mas naging payak na ang aking hangarin sa buhay. Hindi na rin ako pangahas at agresibo. Lalong hindi na nagmamadali sa nais makamit kung mayroon mang nalalabi. Mas kakaunti na rin ang minimithi. Mas bumabaw na ang kaligayahan. Mas naghahangad ng kapanatagan.

Kung napagod ka na at gustong tumunganga na lamang tuwina, sige lang. Hindi man sintingkad ng buhay noon ang anomang mayroon ka ngayon, ang mahalaga, sa pagtanda, sa pagkupas ng kakayahan at karera, nakakatagpo tayo ng kapanatagan sa buhay.

TELETABLOID

Follow Abante News on