WebClick Tracer

3 magsasaka tinadtad ng bala

Malubhang nasugatan ang tatlong magsasaka matapos ang mga itong ratratin ng mga hindi nakilalang salarin habang magkakaangkas sa motorsiklo sa Purok Brazil, Barangay Sta Maria, Trento, Agusan del Sur nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ng Agusan del Sur Police Provincial Office ang mga biktima na sina Tyson Havana Tayao, 26; Adam Paulo Bondia, 29, parehong taga-Sitio Napanpanan, Barangay Raja Kabunsuan, Lingig; at isang alyas Otto Tomboy, taga-Sitio Damping, Barangay Mangagoy, Bislig City.

Batay sa report ng Trento Municipal Police Office, magkakaangkas ang tatlo sa motorsiklo na minamaneho ni Tayao at patungo sa national highway nang pagdating sa Purok Switzerland ay hinarang sila ng dalawang lalaki at pinaulanan ng bala gamit ang kalibre 45 baril.

Nagtamo ang mga ito ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.

Isinugod naman ang mga biktima ng mga nagrespondeng medical team ng Trento MDRRMO sa Valentina Galido Memorial Hospital.

Iniimbestigahan ngayon kung sino ang mga salarin at kung ano ang kanilang motibo.

(Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on