WebClick Tracer

Suspek sa pagbebenta ng pekeng elastomeric sealants, swak sa trademark infringement

Nagbabala ang isang kompanya ng elastomeric sealants laban sa pagkalat sa mga tindahan, palengke, at hardware ng mga pekeng produkto na dala ang tatak ng isang kilalang produkto nito.

Sa isang pahayag ng Bostik Philippines, nadiskubre na itinitinda sa Novaliches, Quezon City ang pekeng Bostik products nang sumalakay rito ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation at makumpiska ang kahon-kahon ng mga pekeng produkto.

“Ipagpapatuloy namin ang pag-crackdown sa mga counterfeit Bostik products kasabay ng patuloy na pag-validate din namin sa mga natatanggap pa namin na mga tips. Hindi kami titigil na tugisin ang mga pekeng produktong ito na nakakasira sa reputasyon ng aming kumpanya at naglalagay sa peligro sa publiko,” ayon sa Bostik.

Nasampahan na ng reklamong trademark infringement sa QC Prosecutor’s Office ang isa sa mga suspek.

Ang panibagong reklamo ay ang ikalawang bugso ng pagsampa ng mga kaso laban sa mga indibidwal na nahuling nagbebenta ng pekeng Bostik elastomeric sealants.

Noong mga nakalipas na buwan, pinakakasuhan ng Manila City Prosecutor’s Office ang tatlong indibidwal na nahuling nagbebenta ng counterfeit Bostik elastomeric sealants sa tatlong magkakaibang lugar sa Binondo sa nasabing lungsod.

Sakaling mahatulang guilty ang mga suspek sa trademark infringement, maaari silang patawan ng parusang pagkakulong ng dalawa hanggang limang taon at pagmultahin sa pagitan ng P200,000-P500,000.

Kaugnay nito, hinihikayat ng Bostik ang buying public na ipagbigay-alam sa kanila kapag may nakitang kaduda-dudang produkto na dala ang pangalan ng kilalang Bostik products tulad ng Super VulcaSeal.

TELETABLOID

Follow Abante News on