WebClick Tracer

Libreng almusal

Ang malnutrition o kakulangan ng masustanyang pagkain ng mga batang Pilipino ay matagal nang problema ng ating bansa. Ayon sa mga pag-aaral, isa sa tatlong batang Pilipino na 5 years old pababa ay stunted o maliit para sa kanyang edad dahil sa malnutrition.

Dahil dito, ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa buong mundo na may maraming bilang ng mga stunted children o mga karaniwang tinatawag na bansot.

Karaniwan ng dahilan ng malnutrition ay ang matinding kahirapan. Maraming bata sa mga public school ay pumapasok ng gutom kaya’t bukod sa kanilang kalusugan, maging ang kanilang pag-aaral ay naapektuhan.

Kung lalaki silang malnourished o undernourished, hihina rin ang kanilang kakayahang makapag-aral ng angkop na mga skills para makakuha ng magandang trabaho. Paano na ang kanilang kinabukasan?

Malaki ang magiging epekto ng problemang ito sa pag-unlad ng ating bansa kaya’t ang mga solusyon dito ay dapat na maging prayoridad ng gobyerno.

Bilang ambag sa mga lunas sa problemang ito, ang inyong Kuya Pulong ay naghain ng panukalang batas na ang layunin ay maipatupad ang libre at masustansyang almusal sa lahat ng pampublikong day care center, preschool at elementary school.

Bukod diyan, dapat ring ang pagkukunan ng libreng almusal ay mga produkto na mula sa ating mga magsasaka at iba pang food producers.

Ang mga panukalang ito ay nakapaloob sa ating nai-file na House Bill (HB) 9331.

Kung magmumula sa ating mga magsasaka at mga food producer ang lulutuing almusal para sa mga bata, tiyak na sariwa at masustansya ang makakain nila araw-araw na siyang magandang panimula para magkaroon sila ng sigla sa pag-aaral.

Hindi rin nila kakatamaran ang pumasok sa eskwela dahil may tiyak na naghihintay na masarap na pagkain para sa kanila.

Sa kabilang banda, magkakaroon naman ng tiyak na pagkukunan ng maayos na kita ang ating mga magsasaka at food producers dahil ang national government, kasama na ang mga pamahalaang lokal, ang siyang bibili sa kanila ng mga produkto para sa ‘libreng almusal’ program na nakasaad sa HB 9331.

Ang Department of Education (DepEd) ang inatasan sa ilalim ng bill na magpatupad ng libreng almusal program.

Limang bilyong piso ang panukalang paunang pondo na gagamitin para maipatupad ang programa.

Nakasaad din sa bill na dapat ay mga mahihirap na magsasaka ang makikinabang sa pagbili ng mga produktong gagamitin para sa libreng almusal.

Ang dalawang target na maipapatupad ng ating bill ay may magandang kahihinatnan—parehong matutulungan ang mga bata at ang ating mga maliliit na magsasaka na makaahon sa kahirapan.

TELETABLOID

Follow Abante News on