Bilang isang mambabatas, ang lagi po nating pinapangalagaan ay ang mga prinsipyo at probisyon na nakasaad sa ating Konstitusyon.
Isa po sa mga probisyong ito ay ang Section 12, Article 2, kung saan malinaw na nakasaad na pantay na pinahahalagahan ang kapakanan ng ina at ng kanyang “unborn child.” Ayon kay Bernardo Villegas, ang isa sa mga commissioner na nagbalangkas ng ating Konstitusyon, ang intensyon ng probisyong ito ay tiyaking walang mga pro-abortion na batas na ipapasa ang Kongreso o pro-abortion na desisyong ilalabas ang Korte Suprema.
Alinsunod sa probisyong ito, isa sa mga panukalang batas na inihain natin sa Kongreso ay ang House Bill (HB) 7965, na ang layunin ay mahigpit na maipatupad ang pagbabawal ng abortion o pagpapalaglag.
Sa ilalim po ng HB 7965, ang mga doktor, nars, midwife, at iba pang health worker na nagsagawa ng abortion o di kaya ay nagreseta o nagbigay ng mga gamit o gamot para sa pagpapalaglag ay habambuhay na tatanggalan ng lisensya sa pag-practice ng kanilang propesyon, bukod pa sa mga parusang nakasaad sa ating batas.
Ito po ay inihain natin kasama si Camarines Sur Congressman LRay Villafuerte dahil tila nagiging talamak na ang paglabag sa batas laban sa abortion. Hindi po natin dapat makalimutan na mahalaga ang buhay ng bawat tao, maging ang mga hindi pa ipinapanganak.
Kaya naman po kami ay nagulat ng malaman na ang mismong Commission on Human Rights (CHR) pa ang may balak na isawalambahala ang mga probisyon ng ating Konstitusyon laban sa abortion.
Sa ilalim kasi ng Priority Human Rights Legislative Agenda ng CHR na isinumite sa 19th Congress, inirekomenda ng Komisyon na i-decriminalize o tanggalin ang mga parusa sa mga mapapatunayang nagpa-abort at nagsagawa nito.
Buti na lamang at inungkat at tinindigan iyan ng ating kaibigang Senator Alan Peter Cayetano bago pa maipasa ng Senado ang panukalang budget ng CHR. Kung hindi ay popondohan ng dugo’t pawis ng sambayanang Pilipino ang isang komisyong nagtutulak sa isang pananaw na hindi lamang taliwas sa Konstitusyon ng Pilipinas kundi nakalalason sa pag-intindi nating mga Pilipino sa tama at mali.
Ang nangyari po ay naunsyami ang panukalang budget ng CHR na P934 million para sa susunod na taon sa plenary session ng Senado *nitong nakaraang linggo* nang maungkat ni Senator Alan nitong nakaraang linggo ang pahayag ng Komisyon patungkol sa abortion.
Si Senator Jinggoy Estrada, na isa rin po nating kaibigan, ang nagsabing dapat ipagpaliban ang budget ng CHR. Bilang sponsor ng CHR budget, nadismaya rin si Senator Jinggoy ng malamang si CHR Executive Director Jacqueline Ann de Guia na mismo ang nagpahayag na dapat daw i-decriminalize ang abortion.
*Sa kalaunan ay na-approve na rin ang budget ng CHR matapos maglabas ng pahayag ang kanilang chairman, si Atty. Richard Paat Palpal-Latoc sa Senado. Binigyang diin ni Palpal-Latoc na nakasaad sa Konstitusyon ang “full protection for the life of the mother and the unborn child.”*
Kontrobersyal na isyu po ang abortion dahil may mga “pro-choice” activist na ang paniwala ay dapat mapunta lahat sa ina ang desisyon patungkol sa kanyang pagbubuntis, makakasama man o hindi ito sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Punto nila, ang ina ang nagbubuntis kaya nasa kanya na ang pasya kung ano ang gagawin niya sa bata. Hindi ba’t napakamakasarili nitong pakinggan?
Napakahirap magbuntis. Hindi mo alam kung mapupunta ka sa bingit ng kamatayan anumang oras. Marami kang mararamdamang sakit sa katawan at lagi kang emosyonal dahil sa taas ng lebel ng hormones mo. Pero lahat ng iyan ang mismong mga dahilan kung bakit napakadakila ng mga ina. Kailangan mo ng napakalalim na ispiritwalidad at maturidad ng pag-iisip, at pag-unawa na pagkatapos ng lahat ng sakripisyo ay napakaganda ng magiging resulta.
Magandang pakinggan pero hindi po madaling sabihin iyan sa babaeng teenager na nabuntis nang hindi inaasahan, o sa babaeng naging biktima ng rape. Pero sila ba ang mga talagang makikinabang kung ide-decriminalize ang abortion sa Pilipinas?
Alam niyo po bang sa bansa natin, karamihan sa iligal na abortion ay hindi dahil sa seryosong medikal na dahilan kundi dahil lang sa hindi paggamit ng contraceptives at ayaw itong panindigan ng magulang?
Base sa datos ng World Health Organization (WHO) noong 2005, apat sa limang abortion sa Pilipinas ay dahil sa kahirapan. Madalas ay dahil masyado nang maraming anak at hindi na kaya pang madagdagan.
Ayon din sa isang fertility research ng Department of Health noong 2011, kalahati lang sa bilang ng mga babaeng may asawa ang gumagamit ng contraception.
Sa madaling sabi, karamihan sa Pilipinas na totoong nagnanais na gawing ligal ang abortion ay yaong mga naghahanap lang ng madaling solusyon sa kawalan nila ng kontrol na makipagtalik.
Pagdiskusyunan man po natin ito magdamag, matagal nang may desisyon ang ating Konstitusyon sa usaping ito: Ang isang sanggol ay maituturing nang tao tulad nating lahat sa oras na i-fertilize ng sperm cell ng ama nito ang egg cell ng ina. Kaya’t walang sinuman ang pwedeng pumatay rito habang siya ay nabubuo.
Sa dulo ng lahat ng ito, ang papel ng pamahalaan sa pagprotekta sa unborn child ay hindi nagtatapos sa simpleng pagbabawal sa abortion. Kailangang palakasin nito ang proteksyon ng kababaihan at kabataan mula sa mga pang-aabusong sekswal.
Dapat rin pong gumawa ng paraan para maging madali para sa bawat Pilipino, lalo’t higit sa mga mag-asawa, ang makakuha ng impormasyon sa family planning at mabigyan ng abot-kaya at epektibong contraceptives, para hindi na sila umabot pa sa puntong isipin ang pagpatay sa isang inosente at buhay na nilalang.
Mabuti na lamang po at may mga senador tayong tulad nina Senator Alan at Senator Jinggoy na may paninindigan at laging nakabantay para matiyak na naipapatupad ng maayos ang mga probisyon ng ating Konstitusyon. Mabuhay kayo, Senator Alan at Senator Jinggoy!