WebClick Tracer

Re-elected na kagawad nirapido ng tandem

BUMULAGTA sa anim na tama ng bala sa katawan ang isang re-elected na kagawad matapos itong ratratin ng hindi pa nakikilalang riding in tandem sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte noong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Anwar Rumanggar Mastura, 48 anyos, residente at nanalo uli na kagawad sa Barangay Balut ng nasabing bayan sa idinaos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong nakaraang buwan.

Sa ulat ni Police Captain Elmar Elarcosa, hepe ng Sultan Mastura Municipal Police Station (MPS), nangyari ang krimen sa crossing ng Barangay Balut bandang alas-kuwatro nang hapon.

Minamaneho umano ng biktima ang multicab nito nang dikitan siya ng magkaangkas na suspek at malapitan siyang pinagbabaril ng mga ito.

Matapos na masigurong wala ng buhay ang biktima, tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng kabayanan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), anim na basyong bala ng cal. 45 pistol ang tumama sa katawan ng biktima dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen at posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.

(Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on