Dahil sa mga pasaway na motorista na parang nabili ang lahat ng kalsada, nabuhay na naman ang isyu tungkol sa plaka ng mga sasakyan, na ayon sa ilang tropapips natin eh paulit-ulit na usapin na parang “sirang plaka.”
Kung may mga kalsada na idinideklarang “discipline zone” ng mga lokal na pamahalaan na naghihigpit sa mga motoristang pasaway, dapat ideklarang mega-over-super-dupper discipline zone ang EDSA.
Sa haba kasi ng kalsadang ito, talagang dito mo makikita ang lahat ng uri ng pasaway na motorista–magmula sa mga sasakyang na apat ang gulong, hanggang sa dalawa ang gulong– o mga kamote rider.
Sa dami ng eksperimentong ginawa sa EDSA, mantaking mong ngayon eh may mga lugar na nilagyan na ng stop light [partikular sa SM North]. Kaya kung dati eh tuloy-tuloy lang ang biyahe kahit usad suso ang takbo ng mga sasakyan, ngayon, talagang tumitigil kapag naka-red light na lalong nagpapabigat ng daloy ng trapiko.
At dahil nilagyan pa ng bus way na nakabawas sa linya ng mga sasakyan, tapos may dalawang linya na inilaan para sa pag-U-turn, ang resulta, may mga lugar na tatlong linya na lang magagamit ng mga sasakyan.
Dahil nagkakaroon ng imbudo, may mga mokong na motorista at rider na gagawa ng sarili nilang patakaran sa kalsada para makauna. Gaya ng pagdaan sa bus way kahit alam naman nilang bawal.
Sabi ng ilang ayudanatics nating tropapips, dalawang klase lang daw ang motorista at rider kapag dumaan sa Edsa bus way– matapang at tanga. Matapang dahil may pambayad sa mahal na multa, at tanga dahil nga tanga.
Ang iba naman, may mga gimik gaya nga ng paglalagay ng kung ano-ano sa plaka para manindak. Gaya ng paggamit ng plakang pang opisyal ng gobyerno, lalo na ang “8” na pang-congressman. May nabisto pa ngayon na gumagamit ng pangalan ng mga opisyal na sakay kuno nila.
Kung traffic enforcer ka nga naman at sabihan ka na may senador na sakay sa magarang sasakyan na sinita mo, hihirit ka pa ba ng… face reveal muna? ‘Di na. Baka malintikan ka pa kapag totoo palang opisyal ang nasa sasakyan.
Ang ibang motorista naman, bukod sa paggamit ng special o protocol plate gaya ng “8,” may mga kung anu-anong stricker ng government agencies ang ikinakabit sa windshield, sa harap at likod na dapat ipagbawal at hulihin din.
Ilang SUV na ang nakita natin may ga-plato na laki ng sticker ng House of Representatives. Kulang na lang eh ilagay ang mukha ni Speaker Martin Romualdez. May mga sasakyan din may nakatabi sa plaka na kataga at logo na “NBI.” Aba’y kung tunay kang taga-NBI, ipapangalandakan mo bang taga-NBI ka? Bakit?
Bigla-bigla naman, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na tinatayang P37 bilyong kita raw ang nawawala sa kanila dahil sa mga sasakyang hindi inirerehistro. Sa naturang halaga, P15.5 bilyon daw ang sa delinquent motorcycles, P18.4 bilyon sa four-wheeled vehicles at P3.25 bilyon sa mga truck at bus.
Kaya naman daw maghihipit sila. Dati, madaling mabisto ang sasakyan na hindi nakarehistro dahil may sticker na inilalagay sa windshield at plaka ng sasakyan. Pero inalis ng LTO. Ngayon, isa sa magiging basehan nila na rehistrado ang sasakyan kapag puti na ang plaka.
Pero may mga kilala tayo na kahit may puting plaka na, ang lumang green pa rin ang ginagamit dahil mas matibay, hindi madaling matuklap o mabura, hindi madaling matanggal. Kaya kahit green ang plaka, nakarehistro pa rin hindi gaya ng mga puti na kahit bago eh hindi sure kung nakarehistro dahil wala namang palatandaan. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”