KALABOSO ang isang hinihinalang miyembro ng bolt cutter gang habang tinutugis pa ang dalawa nitong kasamahan na pinaniniwalaang nasa likod ng nabistong hinukay na butas sa loob ng pawnshop sa Silang, Cavite noong Lunes.
Hawak ngayon ng pulisya ang suspek na si alyas Dandle habang tinutugis pa ang dalawang kasamahan nito dahil sa reklamo ni Jhovanie Morcilla, tauhan ng Villarica Pawnshop.
Sa ulat, bandang alas 4:20 nang hapon nang mapansin ni Morcilla ang isang butas sa kanilang opisina sa sangay ng nasasabing sanglaan sa Barangay Bulihan, Silang, Cavite.
Agad itong nakipag-ugnayan sa Silang Police na kinumpirma na hinukay ang nasabing butas para maging daan papasok sa nasabing pawnshop.
Posible anilang aatakihin ito ng mga suspek kapag sarado at wala ng tao sa sanglaan.
Nadakip sa ginawang follow up operation ang suspek habang pinaghahanap ang dalawang kasamahan nito.
(Gene Adsuara)