WebClick Tracer

Tsuper sa umaga, delivery boy ng shabu ‘pag gabi, timbog

ARESTADO ang isang jeepney drayber na suma-sideline umano bilang delivery boy ng ilegal na droga matapos itong makumpiskahan ng mahigit sa P2.4 mil­yon halaga ng pinaniniwalaang shabu sa ikinasang buy-bust operation noong Linggo sa Bingawan, Iloilo.

Kinilala ang suspek na si Menandro Jelilang, 44-anyos, residente ng Barangay San Miguel Ilaya, Tapaz, Capiz.

Sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek bandang alas-dos nang hapon sa inilatag na ope­rasyon ng mga tauhan ng Bingawan Municipal Police Station (MPS) sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan kung saan 14 sachet ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P2.414 milyon ang narekober dito.

Ayon kay P/Lt. Ryan Christ C. Inot, hepe ng Bingawan MPS, mahigit isang taon nang runner ng shabu ang suspek at kumikita ito ng P3,000 hanggang P6,000 kada araw.

Kabilang din sa mga lugar na binabagsakan ng shabu ng suspek ang bayan ng Lambunao, Calinog, Janiauy, Pototan, Passi City at mga karatig-bayan pa.

Posible rin aniyang konektado si Jelilang sa isang big time drug personality na si Crismark Blancaflor na naaresto sa San Carlos City sa Negros Occidental noong Agosto ng taong ito.

Bukod dito ay may koneksiyon din umano ang suspek sa isang alyas ‘Eman’ na taga-Barangay Lanit, Jaro sa Iloilo na isang big-time na shabu supplier.

Nakadetine ang suspek sa Bingawan MPS at kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on