NIYANIG ng magnitude 5.6 na lindol ang ilang bahagi ng Samar at Leyte kahapon, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Tumama ang lindol may 11 kilometro sa hilagang-silangan ng Calbiga, Samar ganap na alas-12:57 nang tanghali.
Naramdaman ang Intensity V sa Calbiga at mga kalapit na lugar habang Intensity IV sa Tacloban City at mga kalapit na bayan.
Sinabi ng Phivolcs na parehong tectonic ang pinagmulan ng lindol o paggalaw ng aktibong fault line sa Central Samar, Eastern Samar at Salcedo Faults at subduction (diving) ng Philippine sea plate sa kahabaan ng Philippine Trench.
Mayroon din anilang mga lokal na fault sa malapit na lugar na hindi makita sa ibabaw at maaaring pinagmumulan ng maliit hanggang katamtamang magnitude na lindol.
Noong nakaraang Biyernes, tumama ang magnitude 6.8 na lindol sa baybayin ng Sarangani. (Dolly Cabreza)