TODAS ang isang 73-anyos na lolo nang resbakan at saksakin ito ng nakaaway umano nitong tomboy habang nakikipag-inuman ito sa kanyang mga kaibigan sa bayan ng Ibaan, Batangas noong Linggo nang gabi.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Demetrio Serrano, residente ng Barangay Sto. Niño ng nasabing bayan.
Nagtamo ito ng isang tama ng saksak ng kutsilyo sa kilikili.
Ayon sa report ng Ibaan police, nasa kasagsagan ng pakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang dumating ang suspek na kinilala sa pangalang Emma, 54-anyos.
Nagkatinginan umano ng masama ang dalawa dahilan para kumuha ng bote ang suspek at akmang babatuhin ang biktima pero agad nakabunot ng patalim ang matanda at nasaksak sa tiyan ang tomboy.
Gayunman, naagaw ng suspek ang kutsilyo at sinaksak sa kilikili ang matanda. Kapwa isinugod sa ospital ang dalawa pero hindi nakaligtas ang matanda.
Nakaratay pa sa ospital ang suspek na nahaharap sa kasong homicide. (Ronilo Dagos)