Kahapon, ika-19 ng Nobyembre, at tuwing ikatlong Linggo ng Nobyembre, ginagaganap ang paggunita sa mga biktima ng sakuna sa kalsada.
Eto ang nakasaad sa Republic Act No. 11468 [National Day of Remembrance for Road Crash Victims, Survivors, and Their Families Act], ang ambag ng Pilipinas sa panawagan ng United Nations na magdaos ng taunang “World Day of Remembrance of Road Traffic Victims”.
Ang mga road safety advocates mula sa gobyerno at pribadong sektor ay nagsagawa ng paggunita, tulad ng malaking pagtitipong ginawa sa Bacoor Cavite na isinulong ng Motorcycle Philippines Federation ni Atoy Sta Cruz.
Bukod sa mga solo at club riders, dumalo ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kinatawan sa Kongreso, DOTr, LTO, DOH, HPG at TRB. Sinimulan ang paggunita ng isang malaking motorcade mula sa Macapagal Avenue hanggang Bacoor.
Kasama sa naging programa ang pagkilala sa mga Road Safety Warriors, gaya ni idol si Alberto Suansing – dating pinuno ng LTO at LTFRB, dating chairman ng Safety Organization of the Philippines at dating Secretary General ng Philippine Global Road Safety Partnership.
Ang Project CARES RS10P ni May Altarejos Cueva naman, katuwang ang LGU ng Negros Occidental, DepEd Negros Occ at Automobile Association of the Philippines, ay nagdaos ng banal na misa kasunod ang madamdaming programa sa Bacolod City.
Sa buong mundo, 1.3 milyon ang nawalan ng buhay sa kalsada kada taon, at 13,000 diyan ay sa Pilipinas. Sa dami ng mga nasasawi at napipinsala, maituturing ng pandemya ang disgrasya sa kalsada, lalo na ang mga vulnerable road users: bata, matanda, may-kapansanan, siklista, pedestrian at motorsiklo.
Bukod sa pagkawala ng buhay, may mga nagtatamo ng habambuhay na kapansanan. Hindi rin matuturingan ang lungkot na naidudulot nito sa mga naiwanang mahal sa buhay.
At sa pag-aaral na rin ng mga experto, malaki ang dagok nito sa pang-ekonomiya ng pamilya, komunidad at sa buong bayan.
Sa kasalukuyang Decade of Action 2021-2030, malaki ang maitutulong ng paggunita sa Day of Remembrance para maabot ang layunin na mabawasan ng kalahati ang bilang ng mga biktima sa buong mundo.
Pero balikan natin ang RA 11468. Sinabi ni Atty. Alex Abaton -Executive Director ng Partnership for Enhanced Road Safety, sa ating panayam, na-intitutionalize ang paggunita sa mga biktima sa pamamagitan ng nasabing batas.
Ayon kay Atty. Abaton, inuutosan ng RA11468 Secion 4 ang DOTr, DILG, LTO, LTFRB atMMDA na pangunahan ang paggunita kada taon. Sa katunayan, itinalagang pinuno ng National Working Committee ang kalihim ng DOTr para sa paghahanda ng programa.
Bukod sa karaniwang program, mahaba ang listahan sa batas ng mga uri ng paggunita na isasagawa tulad ng blood donation, candle-lighting, website at social media information campaigns.
Bagama’t may mga programang naganap sa mga rehiyon, kapansin-pansin ang katahimikan ngayong taon ng mga ahensiya na naatasan sa batas na manguna sa paggunita.
Minsan isang taon lang eto. Kung nais nating matigil ang walang kuwentang pagkawala ng buhay sa kalsada, dapat nga ay araw-araw ang kampanya para sa road safety.
Nananawagan tayo kay Sec Jaime Bautista bilang pinuno ng National Working Committee na bigyang-buhay ang diwa ng RA11468. Alang-alang sa 13,000 namamatay kada taon, gawin nating masigasig ang kampanya.