Sa kabila ng malaking pag-unlad sa estado at kalagayan ng mga kababaihan sa ating bansa, hindi pa rin nawawala ang mga kaso ng karahasan at pang-aabuso laban sa kanila at maging sa kanilang mga anak.
Marami pa rin ang nagiging biktima ng domestic violence, panghahalay, at iba pang uri ng pagsasamantala at pang-aabuso.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), makikitang may 7,424 na mga kaso ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act na naitala noong 2022 at dagdag pang 8,430 na kaso noong 2021.
Bukod pa riyan, maraming insidente ng karahasan at eksploytasyon laban sa kababaihan ang hindi na naire-report sa mga awtoridad dahil sa takot at kahihiyan ng mga biktima.
Bilang pagtugon sa problemang ito, ang inyong Kuya Pulong ay naghain ng panukalang batas para ang mga babae at mga batang biktima ng karahasan at pang-aabuso ay may tiyak na matatakbuhan at mahihingan ng saklolo.
Ang ating House Bill (HB) 8985 ay may layuning makapagpatayo ng “halfway house” o pansamantalang tirahan para sa mga abused women and children. Ito ay dapat na maitayo sa bawat probinsiya sa bansa.
May mga ilan nang naitayo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mga ganitong halfway house na kanilang tinatawag na Haven for Women at Haven for Children.
Ang nais ng inyong Kuya Pulong ay magkaroon ng batas para rito nang sa gayon ay lalo pang dumami ang mga halfway house para sa mga babae at batang biktima ng pang-aabuso.
Sa ilalim ng ating bill, ang mga lokal na pamahalaan ng highly urbanized cities, independent cities at component cities ay dapat ding magtayo ng kahit isa man lang halfway house sa kanilang mga lugar.
Dapat na mabibigyan ng tulong, proteksyon, paggagamot kung kinakailangan at suporta ang mga biktimang pansamantalang maninirahan sa mga halfway house.
Sa madaling salita, ang mga halfway house sa ilalim ng ating bill ay magsisilbing kanlungan para sa mga abused women and children.
Hindi lamang sa pamamagitan ng mga panukalang batas tayo nagsisikap na tulungan ang ating mga kapus-palad na mga kababayan. Sa Davao City, patuloy nating pinapatupad ang programang Pulong Pulong ni Pulong (PPP) para makapaghatid ng agarang tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Kamakailan lamang, ang mga miyembro ng PPP ay kumilos para makapamahagi ng mga bigas, de-lata, bottled water at iba pang pagkain at gamit sa mga daan-daang biktima ng sunog na tumupok sa 235 bahay sa Barangay Tomas Monteverde sa Davao City.
Sa pamamagitan ng PPP, tayo rin ay rumesponde agad sa mga nasalanta ng flashfloods sa may pitong barangay sa Davao City noong November 8 at 9.
Walang tigil ang malakas na ulan sa mga araw na iyon kaya’t mabilis na tumaas ang tubig-baha. Sa ilang lugar ay umabot hanggang bubong ang tubig.
Naghatid tayo ng emergency aid sa lahat ng mga barangay na nasalanta.
Makakaasa ang mga Dabawenyo na sa pamamagitan ng ating programang Pulong Pulong ni Pulong, tayo ay laging handa para makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.