WebClick Tracer

Jeep lumipad sa bangin: 2 patay, 8 sugatan

DALAWA ang nasawi habang walo ang sugatan matapos na bumulusok ang isang owner-type jeep sa bangin sa Infanta, Quezon noong Linggo.

Sa ulat, binawian ng buhay ang mga biktimang sina Adelina America Peñamante at Adrian Mercado, kapwa nasa hustong gulang, habang dinadala ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa Claro M. Recto Hospital.

Sugatan naman ang Amerikanong pastor na nagmamaneho ng sasak­yan na kinilalang si Loren, 45-anyos, residente ng San Mateo Norzagaray, Bulacan, isa pang Canadian pastor na si Nelvin Paul Maldaner, 48-anyos, kapwa miyembro ng Christian Mennonites church na nagsasagawa ng outreach program sa mga katutubo ng Dumagat sa Sierra Madre, tatlong bata na edad 3, 9 at 13 at tatlong katutubo ng nasabing tribu.

Ayon kay Infanta police chief, Police Major Fernando Credo, nangyari ang insidente bandang alas-3:30 nang hapon habang bumabagtas ang sasakyan sa gilid ng MARILAQUE highway sa Barangay Magsaysay sa Infanta, Quezon.

Galing umano sa kanilang lugar sa Sityo Kakawayan, Barangay Magsaysay ang mga biktima at patungo sa Barangay San Marcelino sa bayan ng General Nakar para dumalo sa isang okasyon.

Nawalan umano ng preno ang sasakyan habang palusong sa kurbadang bahagi ng kalsada kaya lumagpas ito at nahulog sa may 10 metro na lalim na bangin sa kaliwang bahagi ng highway.

Naipit umano sa sasakyan ang dalawang biktima na nagresulta sa kamatayan ng mga ito.

Ginagamot pa ang lahat ng sugatan sa ospital.

Sa ulat, umuulan at madulas ang daan nang mangyari ang aksidente. (Ronilo Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on