ISANG opisyal at dalawa pang tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang dinakip matapos silang akusahan ng pagnanakaw ng isang negosyante na sinilbihan nila ng pekeng warrant of arrest sa Zamboanga City noong nakaraang linggo.
Kinilala ang mga suspek na sina Police Lt. Ariel J. Fernandez, 43-anyos, nakatalaga sa Police Regional Office-Headquarters Support Unit; Police Senior Master Sgt. Alnajer A. Ynawat, 41-anyos, nakatalaga sa Zamboanga City Police Office Mobile Patrol Unit at Patrolman Ryan R. Apostol, 31-anyos ng 2nd Zamboanga Mobile Force Company.
Sa ulat, kabilang ang tatlo sa anim na nagpakilalang mga pulis na naghain ng pekeng warrant of arrest laban sa negosyanteng si Al-Ghabid Umabong Abdul nang pasukin ng mga ito ang bahay ng huli sa Basilio Drive, Natividad st. sa Barangay Tetuan, Zamboanga City bandang alas-9:30 nang gabi noong Nobyembre 14.
Sinuyod umano ng mga suspek lahat ng kuwarto sa bahay ng biktima kung saan kinuha umano ng mga ito ang ilang alahas at walong cellphone gayundin ang dalawang kaha de yero na naglalaman umano ng P1.7 milyon at P200,000 cash.
Binitbit umano ng mga suspek ang kanilang nakulimbat at isinakay sa grey na van.
Samantala, nagreklamo ang biktima sa himpilan ng Zamboanga City Police Office dahilan upang magsagawa ng follow-up operation ang mga ito at madakip sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Barangay Putik at Barangay Cabaluay, Zamboanga City ang tatlong suspek.
Wala pang pahayag ang mga naarestong pulis sa akusasyon laban sa kanila habang nasa kustodiya ng pulisya sa Zamboanga City.
Hinahanap naman ang ibang kasamahan ng mga ito.
(Edwin Balasa)