Rice o kanin, ito ang pangunahing pagkain ng mga Pinoy. Ika nga, di bale ng konti ang ulam o kahit wala pa nga, basta maraming kanin, ayos na ang tsibugan.
Kaya lang kung nakapako sa P40 o P50 ang kada kilo ng magandang klase ng bigas, papano na?
Kaya ang inyong lingkod ay may mungkahing solusyon para rito. Na kung ikukunsidera at maaksyunan agad ng ating kaibigan at bagong talagang Agriculture Secretary Kiko Tiu Laurel Jr., pihadong sa madaling panahon ay magkakaroon na tayo ng P20 kada kilo ng bigas.
Nakausap ko po sya at tila committed naman si Secretary Kiko na gawin ang gusto ni Pangulong Bongbong Marcos na i-modernize ang agri sector lalo sa palay production at sa pagkakaroon nga ng sapat at murang bigas para sa ating mga Pinoy.
Tayo po ay naniniwala na kakayanin naman itong P20 per kilong bigas simula sa darating na taon kung magagawan agad ng aksyon itong ating mungkahi o rekomendasyon na bigyan ng pamahalaan ng subsidiya na P40,000 kada ektarya ang bawat farmer-beneficiary na nagbubungkal o nagsasaka ng kabuuang isang milyong ektarya sa ating Top 10 palay-producing provinces.
Ito ay magkakahalaga ng P40 bilyon, na sya nang inilalagak naman ng ating pamahalaan taon-taon sa subsidiya para sa subsector ng rice. Kaya’t may pagkukunan tayo ng pondo para sa proposal na ito, di po ba?
Kapalit naman ng ayudang ito ang kondisyones na ibebenta ng mga magsasakang benepisyaryo ang kanilang ani sa presyong P9 kada kilo sa gobyerno.
Sa ating pagtataya, aabot sa 5 bilyong kilo ng palay ang maaaring maani mula sa isang milyong ektarya base sa average output na 5 metric ton (MT) o 5,000 kg kada ektarya. Kaya ang subsidiyang ito ay pagmumulan ng 3 bilyong kilo ng bigas kung ibabase sa palay-to-rice, after-milling conversion rate na 60%. Ito ang matitirang bigas kapag na kiskis na ang bagong ani na palay.
Sa ilalim nitong proposal, ang Department of Agriculture (DA) at mga local government unit o LGUs ang mamimili kung sino-sinong maliliit na magsasaka ang magiging target beneficiaries, at kung saan-saan sa ating sampung probinsya na pinakamalaking producer ng palay. Kailangan naman itong pondohan ng gobyerno ng P45 bilyon.
Dahil bibigyan ng P40,000 bawat magsasaka bago mag-umpisa ang taniman at bibilhin pa ng gobyerno ang kanilang ani, di na nila kailangang mangutang sa mapagsamantalang nagpapautang para may panggastos sa pagtatanim at hindi na sila mabibiktima ng mga tusong traders na nambabarat lamang sa kanila kapag sila ay naka-ani na ng kanilang palay.
Tiyak pa nating mahihikayat ang mga magsasakang benepisyaryo na mag-produce ng mas maraming palay sa kanilang mga sakahan. Ito ay dahil alam nilang bibilhin pa ng pamahalaan ang kanilang ani ng P9 kada kilo at may matatanggap pa silang ayuda bago ang taniman kaya bakit naman hindi sila magsisipag?
At para lalo pang ganahan ang mga magsasakang benepisyaryo na palakasin ang kanilang pagtatanim ng palay, bibigyan pa ng cash prizes o mga farm machinery tulad ng power tillers at harvesters, fertilizers at iba pang magagamit nila sa pagsasaka ang mga benepisyaryo na magiging topnotcher sa dami ng ani kada ektarya sa mga piling sampung lalawigan.
Pati ang mga LGU na kinabibilangan ng nangunang farmer-beneficiaries ay tatanggap din ng cash prizes at ibang insentibo.
Sa ganitong kalakaran, nakikita nating kakayanin ang P20 per kilong bigas na inaasam-asam ni Pangulong Marcos.
Sa 3 bilyong kilo na inaasahan nating ani, ang 1.5 bilyong kilo ay puwedeng ibenta sa halagang P20 sa mga Kadiwa ng Pangulo outlets habang ang natitira pang 1.5 bilyong kilo ng bigas ay ibebenta naman sa merkado ng P30.
Kapag napataas ang ani, mapapatatag natin ang domestic supply at kapag madami ang supply ay maibababa nito ang presyuhan sa lokal na merkado. At kapag maraming supply, mababawasan na rin ang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa. At siyempre kapag nabawasan ang pagbili ng imported rice, makakatipid tayo sa dolyar.
Ang ipinapanukalang selling rate na P20 hanggang P30 kada kilo ng bigas ay halos kalahati o two-thirds lamang ng kasalukuyang presyuhan sa merkado na ayon sa National Statistics Authority (NSA) noong kalagitnaan ng Oktubre ay nasa P51.57 per kilo na ang well-milled rice habang P45.78 naman ang regular-milled rice.
Matutuwa ang mga konsyumer kapag napababa ang presyo ng bigas na araw-araw nating kinakain. Magiging masaya rin ang mga magsasaka dahil mas malaki ang kanilang kikitain bukod pa sa makikinabang din sila at kanilang pamilya dahil sila rin naman ay kumakain din ng kanin.
Ang gobyerno ay kikita ng P30 bilyon sa pagbebenta ng 1.5 bilyong kilo ng bigas sa halagang P20 at kikita naman ng dagdag P45 bilyon sa pagbenta ng 1.5 bilyong kilo ng bigas sa halagang P30, kaya ito ay may kabuuang P75 bilyon.
Sa proposal natin bababa sa P10B na lamang ang gagastusin ng gobyerno sa subsidiya sa halip na P40 bilyon ngayon kasi kailangan ng government ng P45 bilyon para mamili ng 5 bilyong kilong palay kaya nangangahulugan ito na ang magiging puhunan ay P40 bilyon + P45 bilyon = P85 bilyon.
Kung kukuwentahin, aabot lamang sa P10B ang gagastusin ng gobyerno sa subsidiyang ito dahil nga inaasahang kikita ng P75 bilyon sa pagbenta ng 1.5 bilyong kilo ng bigas sa P20 kada kilo, at ang natirang 1.5 bilyong kilo naman ay sa P30. Kung ibabawas ito sa halagang P85B nakalaan sa farmers’ subsidy-and-grains-procurement plan ng mga magsasaka makikitang P10B lamang ang gastos.
Ang pagpopondo para sa rice productivity program na ito ay maaaring kunin mula sa taunang General Appropriations Act (GAA), isang supplemental fund na aaprubahan ng Kongreso, o sa mga koleksyon mula sa rice import tariffs na lampas sa P10 bilyon na inilalaan taun-taon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund ( RCEF) sa ilalim ng Republic Act (RA) 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL).
Higit sa lahat, tugma pa ito sa ninanais ni Pangulong Marcos. Kung inyong maaalala ay inaprubahan ng Pangulo ang pagpapalabas ng tulong pinansyal sa 2.3 milyong maliliit na magsasaka sa halagang P5,000 bawat benepisyaryo sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA). Ito ay upang matulungan silang mapalago ang kanilang ani.
Habang si Speaker Martin Romualdez at ang Kamara de Representantes ay inilunsad naman ang Malacañang-backed Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program upang magbigay ng tulong sa mga mahihirap na Pilipino at magtayo ng mga booth na nagbebenta ng mas murang bigas sa lahat ng mga legislative district.
Sa mga konkretong hakbanging ito, siguradong everybody magiging happy—mula sa mga magsasaka hanggang sa konsyumer. Sa malao’t madali, P20 per kilong bigas kaya yan. O tara, unli rice na! -30-