ISA pa sa posibleng suspek sa pagpatay sa brodkaster na si Juan Jumalon ang nadakip ng pulisya at itinuturo rin itong dawit sa pagtumba sa isang municipal engineer noong Oktubre.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO) chief Police Col. Jean Fajardo, nahuli ang suspek sa isang buy-bust operation sa Barangay Don Bernardo A. Neri sa Calamba, Misamis Occidental noong Nobyembre 14, 2023.
“Ngayon tinitingnan natin na maaaring isa siya sa dalawang suspect na hindi pa naa-identify. Maliban doon sa dalawang pumasok sa gate, may isa pa tayong na-identify na nag-serve as lookout sa labas,” dagdag pa ng colonel.
Base sa police examination, pinaniniwalaang isa ito sa sangkot sa pagpatay kay Jumalon dahil nagmatch ang casing nito sa pinaslang na engineer.
“So ito ‘yung tinitingnan natin na maaaring ‘yung suspect na nahuli natin noong Nov. 14 ay siya ‘yung nandun sa labas at nagsilbing lookout,” paliwanag ni Fajardo.
Matatandaang nagsampa na ang pulisya ng kasong murder at theft laban sa tatlong suspek sa Misamis Occidental Prosecutors Office noong Miyerkoles.
Pinatay si Jumalon habang naka-livestream sa kanyang programa sa radyo sa ginawa nitong studio sa kanyang bahay sa P-2, Barangay Don Bernardo A. Neri sa bayan ng Calamba noong Nobyembre 5.
Nagkunwari ang gunman na may importanteng iaanunsiyo sa programa ni Jumalon kaya ito pinapasok at doon nito binaril ang biktima saka kinuha pa ang kwintas nito bago tumakas kasama ang dalawa pang kasabwat lulan ng isang motorsiklo.
(Edwin Balasa)