WebClick Tracer

Diskuwento 

Sino ang hindi gustong makatipid lalo sa panahon ngayong mataas ang presyo ng bilihin? Sino ang may ayaw sa diskuwento lalo na sa mga minimithi mong produkto o serbisyo?

Karamihan sa atin, kung hindi man lahat, ay gustong makatipid at makamura. Kaya nga naghihintay tayo ngmga sale sa mall o nakikipagtawaran kung maaaring tawaran ang isang produkto. Naghihintay sa malalaking promosyon para makadiskuwento sa bibilhin sa mga tindahan sa internet.

May mga pagkakataon pa ngang tanging ang diskuwento ang dahilan kung bakit bibilhin ang isang bagay kahit na hindi mo naman kailangan. Sapatos? Damit? Pantalon? Sa pagdaan natin sa mall para magpalamig, o kaya sa mga grocery para bilhin lamang ang tiyak na pangangailangan, naeengganyo tayo sa tawag ng diskuwento.

Kung halagang sanlibong piso ay mayroong beinte posrsiyentong diskuwento, ibig sabihin, babawasan ng dalawandaang piso ang halaga ng bibilhin. Malaki-laki rin ang dalawandaan. Kaya sunggab agad ang iba lalo kung kailangang-kailangan ang produkto.

Pero sa ibang mahilig bumili nang hindi muna pinagninilayan ang pangangailangan at kung magkano pa ang nalalabing pera, bibilhin agad dahil sa halina ngdiskuwento. Ang katwiran kasi, nakatipid sila. Ang hindi nila alam, lalong napagasta. Minadali ang paggasta dahil sa pag-aakalang nakakatipid sila.

Hindi ako magmamalinis. Sarili ko ang tinutukoy ko sa huling talata. Ako ang tinatawag sa Ingles na impulsivebuyer. O iyong hindi muna masyadong pinag-iisipan kung bibilhin ang isang bagay o hindi.

Madali akong mahalina ng mga produktong may diskuwento. Kaya naman kahit isa o dalawang pares ng sapatos lang ang kailangan ko para sa pag-eehersisyo, dahil sa madalas kong pagtunghay sa online store at mall, nakakabili pa ako ng sapatos dahil lamang sa nakita kong diskuwento.

Pagkatapos bilhin, saka naman uusigin ng budhi kung kailangan ba talaga ang dagdag na sapatos. O may nakalimutang paparating na malakihang pagkakagastusan. Ang bunga, sumasakit ang ulo kakaisip kung paano pagkakasyahin ang natitirang badyet. Manghihinayang na hindi sana namumuroblema kung hindi binili ang produktong may diskuwento.

Tukso ang diskuwento na kilala rin sa salitang Ingles na discount. Galing ang ‘diskuwento’ sa salitang Latin na ‘discomputare’ na binubuo ng panlaping ‘dis–’ na ang ibig sabihin ay lumayo o umalis, at ‘computare’ na ang ibig sabihin naman ay bumilang. Itong ‘computare’ rin ang ugat ng salitang computer na ang batayang dahilan ay para magbilang o magkuwenta.

Ang literal na kahulugan kung gayon ng ‘diskuwento’ ay hindi pagbilang sa kung anong porsiyento ang may diskuwento.

Ang porsiyento ang nangangahulugan naman ng dalawang panlaping ‘per’ at ‘cent’ o kada sandaan. Kaya ang beinte porsiyento ay nangangahulugan ng dalawampu sa bawat sandaan. Kaya hindi bibilangin at babayaran ang beinte porsiyentong diskuwento sa halagang sandaan.

Malaking bagay ang diskuwento sa tunay na pangangailangan. Kung halimbawang mangailangan ako ng bagong gadget, at nakakita ako ng tindahang may malaking diskuwento sa halaga, iyon na ang bibilhin ko. Pero dahil nga hindi ako disiplinado, bibilhin ko pa rin kahit hindi kailangan dahil muli akong nagpatukso sa diskuwento.

Huwag ninyo akong tularan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayongmagpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

TELETABLOID

Follow Abante News on