WebClick Tracer

De-kalibreng mga armas bumulaga sa Makati

Nasamsam ng mga ahente ng anti-terrorism ng gobyerno ang isang cache ng mga baril kasunod ng pag-aresto sa isang 56-anyos na lalaki na nahuling nagdadala ng mga loose firearms sa isang operasyon sa Makati City.

Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director, P/Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, na iniutos na niya ang masusing imbestigasyon sa mga aktibidad ng suspek na si Juanito Tanghal, partikular na sa posibleng kaugnayan nito sa alinman sa mga teroristang grupo o mga sindikatong kriminal.

“Sa dami ng mga loose firearms na nakumpiska, patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon upang maberipika kung ang mga baril na iyon ay ginamit sa mga teroristang aktibidad, gun for hire, at iba pang ilegal na aktibidad,” ani Nartatez.

Sinabi ni Nartatez na ang operasyon noong Nobyembre 16 sa Barangay Olympia sa Makati City ay isinagawa batay sa intelligence reports sa pagdadala ng mga high-powered firearms. Sinabi niya na si Tanghal ay nahuli sa aktong nagdadala ng mga baril.

Kabilang sa 13 baril na nasamsam ay mga assault rifles, isang machine gun, Carbines at 2 handgun.

Aniya, ang pag-aresto kay Tanghal ay resulta ng operasyon noong Nobyembre 14 sa Angeles City sa Pampanga na ikinaaresto ni Santiago Fernandez at pagkumpiska ng isang assault rifle na may 40mm M203 grenade launcher.

Si Tanghal, ayon kay Nartatez, ay nagtangkang tumakas sa isinagawang operasyon ngunit kalaunan ay naharang. (Betchai Julian)

TELETABLOID

Follow Abante News on