WebClick Tracer

Titser pinahinto saka niratrat

BUMULAGTA ang isang guro matapos itong tambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikila­lang suspek habang pauwi ito sa kanilang bahay sa bayan ng Barongis, Maguindanao del Sur.

Kinilala ang biktimang si Hermielex Kapusan, head teacher sa Tukanakuden Elementary School sa Barangay Tukanakuden, Sultan sa nasabing bayan.

Ayon kay Police Major Jethro Doligas, hepe ng Lambayog Municipal Police Station (MPS), nangyari ang pananambang sa national highway sakop ng Barangay Tinumigues bandang alas-5:20 nang hapon.

Lulan ng kanyang motorbike ang biktima nang parahin ito ng dalawang suspek at saka pinagbabaril. Tumakas agad ang dalawang salarin nang bumulagta ang guro.

Nakaresponde agad ang mga miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na nakadestino malapit sa lugar at dinala sa ospital. Gayunman, hindi rin ito nakaligtas.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on