Nitong nakaraang Lunes, pinayagan ng Muntinlupa RTC Branch 206 si dating Senador Leila De Lima na makapag-piyansa.
Pagkatapos ng anim na taon, walong buwan, at dalawamput isang araw ng di-makatarungang pagkakakulong, nakalaya na muli si Sen Leila at nakabalik sa piling ng kanyang pamilya.
Ang pagpapalaya kay Sen Leila ay isang mahalagang hakbang sa halos pitong taon na niyang pakikipaglaban para sa hustisya. Sa kabila ng kahinaan ng ebidensiya na ihinain laban sa kanya, sa kabila ng pag-atras ng napakaraming testigo, nanatili sa bilangguan si Sen Leila – biktima ng paghihiganti ng dating Pangulo na siya mismo ang nanguna sa walang batayang pagbibintang sa kanya at pagyuyurak sa kanyang mabuting pangalan.
Sa desisyon ng korte nung Lunes, nagkaroon ng malinaw na deklarasyon na mahina ang ebidensiya laban kay Sen Leila. Umaasa tayo susunod na ang tuluyan na pagbasura sa natitirang kaso laban sa kanya – gaya ng pagbasura sa dalawa pang kasong dating nakasampa laban sa kanya.
Tagumpay ito hindi lamang para kay Sen Leila mismo, kundi para sa ating bayan. Patunay ito na kung hindi didiinan ng mga nasa kapangyarihan ang ating hudikatura, maari itong tumakbo nang patas at maayos. Na kung walang mapaghiganting pangulo na ipinipilit siyang ipitin, ang isang inosenteng tao ay hindi kailangang manatili sa loob ng kulungan.
Hakbang din ito tungo sa pagkakaroon ng bindikasyon para sa maraming taong paghihirap na pinagdaanan ni Sen Leila at ng kanyang pamilya. Ngayon siya na ay malaya at makakauwi matapos ng halos pitong mahahabang taon. Bukas, dapat magkaroon ng pananagot mula sa mga taong nagkaroon ng kamay sa kanyang di-makatarungang pagkakakulong.
Maayos lang natin ang ating lipunan at tunay na maitataguyod ang katarungan para sa lahat kung ang umaabuso sa kapangyarihan para mang-api ng iba, para baliktarin ang katotohanan, at para gamitin ang batas na sandata laban sa tinuturing na kalaban – may kasalanan man o wala – ay ating mapapanagot.
Nagpapasalamat tayo na nakalaya na si Sen Leila. Masaya tayo na natapos na ang kanyang pagdurusa sa bilangguan. Pero hindi dapat ito ang katapusan.
Ang tunay na katarungan, ang kabuuang bindikasyon, ay makakamit lamang kapag ating mapanagot ang nag-akda ng kanyang halos pitong taong paghihirap. Ang mga umabuso ng poder para ipakulong ang isang walang sala.
Hindi lamang ito para kay Sen Leila. Para ito sa kaayusan ng ating bayan. Para ito sa ating kinabukasan.