WebClick Tracer

Patas na oportunidad para sa mga PWD

Marami sa ating kababayang mga person with disability (PWDs) ay hirap sa kanilang pamumuhay.

Bunga ito ng dagdag nilang gastusin sa pagpapagamot o ‘di kaya ay sa pagbili ng kailangang mga kagamitan para patuloy silang makapamuhay ng maayos at may dignidad.

Para mabigyan ng pantay na oportunidad sa trabaho ang mga kwalipikadong PWD, nakasaad sa Republic Act (RA) 10524 o ang Magna Carta for Disabled Persons na dapat maprotektahan laban sa diskriminasyon ang mga tulad nilang may kapansanan.

Batid naman natin na hindi balakid sa maraming PWD ang kanilang kapansanan para maisagawa ang kanilang trabaho. Kung tutuusin ay mas masipag at maasahan pa nga ang marami sa kanila kaysa sa ibang mga empleyadong walang iniindang kapansanan o sakit.

Kahit may batas na para matiyak na patas ang turing sa mga PWD pagdating sa pag-apply sa trabaho, hindi ito palaging nasusunod.

Ang sakop kasi ng angkop na probisyon sa batas ay mga government agencies at government corporations lang.

Sa ilalim ng RA 10524, limang porsyento ng mga casual, emergency at contractual positions sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at iba pang government agencies at corporations na nakatuon sa social development ay dapat na nakalaan para sa mga PWD.

Hinihikayat lang ang mga pribadong sektor sa ilalim ng kasalukuyang batas na magreserba rin ng mga posisyon para sa mga PWD.

Kaya naman naghain ang inyong Kuya Pulong ng panukalang batas para gawin ng compulsory o utos maging sa lahat ng government agencies at government corporations ang paglalaan ng mga posisyon para sa mga kwalipikadong PWD.

Maging ang mga pribadong kumpanyang may mahigit na 100 employees ay sakop ng panukalang batas na ito—ang House Bill (HB) 8942.

Nakasaad sa bill na sa kalahatan ng mga bilang ng empleyado, hindi bababa sa isang porsiyento ng mga posisyon ang dapat na punan ng mga kwalipikadong PWD.

Kaya’t kung may 100 kang job position sa iyong kumpanya, dapat ay PWD ang ilalagay sa isa rito.

Hinihikayat din sa ilalim ng bill na gawin din ito ng mga kumpanyang may 100 employees or less.

Ang mga kumpanyang susunod sa mga probisyong ito ay pagkakalooban ng tax incentive o kabawasan sa babayarang buwis.

Sa ating bansa, tinatayang 1.57 porsyento ng ating populasyon, o mahigit sa 1.5 milyong tao ay may kapansanan, at karamihan sa kanila ay nasa edad na 15 hanggang 49.

Ibig sabihin ay karamihan sa kanila ay mga bata pa at nasa working age. Malaki ang maaring pakinabang nila at ambag sa ekonomiya. Dapat lang silang bigyan ng pagkakataon na mapatunayan ang kanilang galing at sipag.

TELETABLOID

Follow Abante News on