CHINA — PUNTIRYA ni Joanie Delgaco ang unang medalyang ginto ng ‘Pinas pagsagwan Lunes sa 19th Asian Games 2022 rowing women’s single sculls sa Fuyang Water Sports Centre sa Hangzhou City, Zhejiang Province rito.
Una’t tanging medalya pa lang ng ‘Pinas sa sport ang bronze nina Alvin Amposta at Nestor Cordova sa men’s lightweight double sculls noong 2002 Busan Asiad. Naging medal sport ang rowing sa quadrennial continental sportsfest sa Delhi noong 1982.
Lubhang dehado ang 25 taong-gulang na Pinay rower mula sa Bicol laban sa limang astig na mga karibal ayon kay Philippine Rowing Association President Patrick Gregorio, na masayang sinubaybayan ang laban ng kanyang isa sa mga bataan.
“I’m very happy that Joanie is in the finals. She is the only Southeast Asian rower in the finals tomorrow (ngayon),” bulalas ng opisyal kay Delgaco na pupukpok upang makaposte nang mala-lindol na laro sa alas-9:10 ng umagang pagtutuos.
Mapapasabak siya laban kina Tokyo Olympic silver medalist Anna Prakaten, ang top seed na tubong Bulgaria na dating naglaro sa Russia at ngayo’y Uzbekistan ang dala. Siya ang bumida Biyernes sa semis sa 7-minute, 47.48-second.
May China, Japan at Chinese Taipei pa. Pumangalawa si Delgaco.
Pero ‘di malayong makasilat ang pambato ng bansa na sasagwan sa Lane 2 katabi si Prakaten.
“Hopefully, she outperforms herself. Joanie’s personal best is 7:39, which she did last week in training at the La Mesa Dam,” panapos na sey ni Grgeogrio.. “If she duplicates it, she has a good chance of pulling an upset.”
Nasa Final B (ranking mula sa pam-7 at pababa pa) si Tokyo Olympian Cris Nievarez na kinapos makapasok sa 6-man finals ng men’s single sculls.
(Ramil Cruz)