INAASAHANG magtatagisan na naman ang mga batikang manlalaro ng bansa sa pagtulak ng 1st Governor Henry S. Oaminal Chess 7-in-1 Team Festival sa Nobyembre 10-12 sa City Auditorium sa Ozamis City.
Isa sa pinakasentro ang 1st Governor Henry S. Oaminal tournament ay ang tinampukang “Armageddon Battle of Philippine Champions” na punong-abala sina NCFP board of director Engr. Rey Urbiztondo at FM Nelson Villanueva.
Kabilang sa mga naimbitahang maglalaro ay sina 13-time Philippine Open champion GM Rogelio “Joey” Antonio, Jr., GM Darwin Laylo, IM Rolando Nolte, IM Kim Steven Yap, IM Joel Pimentel, IM Ronald Bancod, IM Richilieu Salcedo III, FM Alekhine Nouri, FM Ellan Asuela at FM Austin Jacob Literatus.
Ang magkakampeon ay tatangap ng P20,000, nakalaan sa 2nd hanggang 5th placer ang P10,000, P7,000, P6,000 at P4,000. Hindi naman uuwing luhaan ang 6th hanggang 8th placer na may tig-P3,000 habang ang 9th hanggang 10th placer ay tig-P2,000.
Tampok din ang pagsasagawa ng simultaneous xxhibition nina Torre at Antonio.
Nakalinya din ang Rapid, Blitz, Executive at Age-Group chess tournament.
***
Susulong din ang Rising Chess Unlimited Developmental Program sa Oktubre 14 hanggang 15 sa Level 1, Atrium Robinson’s Galleria Cebu.
Ang tatluhan average ELO 2050, nine rounds Swiss System tourney ay may 15 minutes plus 5 second increment na may pabuyang P30,000 sa magkakampeon sa team event habang P5,000 sa individual prize.
***
Handa na ang lahat sa “Kuya Buboy Abalos Limbas Mandaragit Eagles Club Chess Tournament” sa Oktubre 8 na gaganapin sa Robinson’s Galleria sa Ortigas
Tumataginting na P5,000 ang nakalaan sa magkakampeon sa Non-Master chess tournament.
***
Tuloy na tuloy na ang “2nd Cong. Alan R. Dujali National Open Individual and Team Chess Championships” sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 1 na gaganapin sa Maria Clara Resorts sa Panabo City, Davao del Norte.
Ayon kay Tournament Director Homer Rotulo, ipapatupad ang 15 minutes plus 3 seconds increment time control format sa 2-day event na inorganisa ng Team Aldu Square Masters kung saan ay may pabuyang P20,000 ang magkakampeon sa Open Individual habang may naghihintay naman na P150,000 ang magwawagi sa team chess championships.
Tumawag o mag-text sa mobile number 0977-8257753 para sa karagdagang detalye.