ABANTE sa finals ang Far Eastern University Lady Tamaraws matapos brasuhin nina Chenie Tagaod at Faida Bakanke ang opensa upang suwagin ang 25-16, 25-20, 25-17 panalo kontra Perpetual Help sa do-or-die best-of-three semifinals ng 2nd V-League Women’s Collegiate Challenge na nilaro sa Paco Arena sa Maynila kahapon.
Tumikada si Tagaod ng 17 points habang 14 ang inambag ni Bakanke para sa Lady Tamaraws na haharapin ang College of Saint Benilde Lady Blazers sa championship game na magsisimula sa Miyerkoles.
Best-of-three din ang bakbakan sa pagitan ng FEU at CSB.
Natisod ang FEU sa Game 1 pero bumangon agad upang agawin ang dalawang natitirang laro sa event na inorganisa ng Sports Vision.
“Mas pinag-focus ko sila, mas pinag-usap ko sila para makabalik kami sa gusto naming sistema, para hindi namin magising si Perps. Kasi iba rin trumabaho si Perps,” saad ni FEU interim coach Manolo Refugia.
Bumakas din sa opensa sina Kiesha Bedonia at Mitzi Panangin ng 10 at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Tams.
Kumana si Mary Rhose Dapol ng siyam na puntos habang anim ang kinana ni Shaila Allaine Omipon pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang Las Pinas-based squad na Perpetual. (Elech Dawa)