BWRNA-MANONG pasabog ang kinana ng Jose Rizal University Heavy Bombers sa kapit-bisig na tulungan nina Agem Miranda at Marwin Dionisio matapos silatin ang reigning champions na Colegio de San Juan de Letran Knights sa bisa ng 85-79 overtime win sa opening game nitong Linggo ng 99th National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumana ng pitong puntos sa extension si Miranda upang tulungan si Dionisio na bumitaw ng panglamang na tres sa simula ng overtime upang tumapos sa parehong 17 puntos.
Nagdagdag ng siyam na rebounds si Dionisio, kasama ang dalawang steals at isang assist, habang kumuha ng karagdagang tatlong boards at assists si Miranda.
“Trinabaho namin talaga this offseason iyung depth ng team. Lumabas iyung chemistry at tiwala at maturity ng mga players kasi ayaw na nilang mangyari iyung nangyari last season,” pahayag ni coach Luis Gonzales matapos ang laro.
“We just remain consistent sa anumang pinaghirapan namin, we play good ball movement and keep on moving. Naghintay lang kami ng oppurtunity at medyo dumali nung last two minutes [in order] to get the phase, sinuwerte na lalo noong overtime.”
Inakala ng Heavy Bombers na kanila na ang panalo sa fourth quarter nang ibitaw ni Shawn Argente ang krusyal na tres na sinundan ng lay-up ni Miranda upang makuha ang 73-70 abante.
Subalit hindi pumayag ang Letran na magtapos ang kanilang unang laro nang bumato ng tres si Deo Cuajao upang dalhin sa overtime ang laro.
Nag-ambag para sa Heavy Bombers sina Argente sa 12 puntos at Vince Sarmiento na may 10 points, apat na boards at dalawang assists para sa unang panalo ng season-host. (Gerard Arce)