HILAW pang maituturing pagdating sa collegiate league, panigurado namang may ibubuga sa laro ang bagitong kapatid ni Gilas Pilipinas at professional league MVP Scottie Thompson na si Justin Kyle sa koponan ng University of Perpetual Help System Dalta Altas sa pagbubukas ng 99th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament.
Inilarawan ni Altas head coach Myk Saguiguit na matapang ang 18-anyos na playmaker.
“Younger version ni Scottie. Maliit lang pero buo ang loob,” pahayag ni Saguiguit sa panayam ng Abante Sports sa telepono.
“Nang pumasok si Scottie sa team noong rookie years niya may kaliitan ang katawan, pero etong si Justin mukhang nahubog na ni Scottie. Maganda na ang katawan.”
Nakatakdang makipag-agawan sa pwestuhan sa point guard spot ang 5-foot-8 guard laban kina team captain at combo-guard Jielo Razon, third-year player Rey Barcuma, Jasper Cuevas at Shawn Orgo.
“Growing pa si Justin pero any given time mabibigyan siya ng chance to prove himself and I’m sure ready siya,” wika ni Saguiguit.
Isa sa mga itinuturing na ‘dark horse’ ang Las Pinas-based squad dahil sa magandang off-season at pre-season tournament na nilahukan nito, gayundin ang pananatiling buo ng kanilang koponan na tanging sina Kim Aurin at Jeff Egan ang umalis sa koponan.
“We’re hoping and praying to continue iyung nagawa namin sa preseason sa buong 99th season,” ani Saguiguit.
“Everybody is well prepared. Wala akong masasabing favorite team na masasabing malakas. Basta kami sa Perpetual handa kami sa lahat ng teams and we’ll do our best to get as many wins as we can para makuha iyung aming primary goal.” (Gerard Arce)